Guro na nais magturo, nag-iikot bitbit ang mga libro sa kariton

ABS-CBN News

Posted at May 29 2018 03:12 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kahit bakasyon ay patuloy sa pag-aaral ang ilang estudyante sa Mobo, Masbate dahil sa dedikasyon ng isang guro na nais magturo tulak-tulak lamang ang kaniyang kariton.

Bitbit ang mga libro na nakalagay sa loob ng kariton, kasama ng guro na si Jonathan Moraño ang ilang volunteer sa pagtuturo sa mga bata ng pagbabasa at pagsusulat bilang parte ng kaniyang proyektong "Tabang Kariton."

Tinuruan din ng grupo ni Moraño ang mga bata ng tamang pangangalaga sa kalikasan sa pamamagitan ng pagtatanim at pagre-recycle.

"Lahat ng klaseng tulong [ay] puwedeng gawin ng Tabang Kariton [project]...hindi lang siya pang-edukasyon, puwede rin siya sa environment," ani Moraño.

Sa tulong naman ng Red Cross ay sumalang maging ang mga magulang sa disaster management at first aid lecture bilang paghahanda sa anumang sakuna.

Ang mga kabataan naman ay tinuruan ng iba't ibang sayaw at kultura ng Masbate.

Binigyan din ni Moraño ang mga bata ng mga gamit sa eskuwela para sa papalapit na pasukan.

Limang taon na ang proyektong Tabang Kariton ni Moraño na dumadayo pa sa iba't ibang probinsiya upang makapagturo sa mga bata.

-- Ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.