Garin 'naglipat' ng P10-B pondo nang walang pahintulot: PhilHealth

ABS-CBN News

Posted at May 29 2018 10:20 PM | Updated as of May 30 2018 12:20 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ibinunyag ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa Senado ang umano'y P10 bilyong pondo sana para sa senior citizens na ipinalipat sa Department of Health (DOH) ni dating Secretary Janette Garin noong siya pa ang kalihim ng ahensiya noong 2015. 

Ayon sa presentation ng PhilHealth sa harap ng joint congressional oversight committee, Abril 2015 ay nagpadala sila ng billing statement sa Department of Budget and Management (DBM) na nagkakahalaga ng P12.2 bilyon para sa premium requirement ng senior citizens na mababawas sa unprogrammed appropriations ng 2015 General Appropriations Act (GAA).

Pero nagulat na lang daw sila nang malaman na noong Agosto 2015 pala ay nagpadala sina Garin at dating PhilHealth president Alex Padilla ng joint letter sa DBM upang ilabas ang P10.6 bilyong pondo sa unprogrammed appropriations para umano gamitin sa health facilities enhancement program ng DOH. 

Ayon sa kasalukuyang pamunuan ng PhilHealth, hindi dumaan at hindi aprubado ng board ang sulat ni Garin at walang ring valid na waiver para sa paglilipat ng bilyong pondo. 

Dagdag ni PhilHealth Chief Operating Officer (COO) Ruben Basa, ilang buwan ang lumipas bago nila ito nalaman. 

"Nalaman natin pagkalipas ng ilang buwan, kasi patuloy pa rin na bini-bill ng PhilHealth ang DBM dahil kailangan 'yun sa sustainability ng programa, ngunit iyon po hindi na natin makukuha [ang pera]," ani Basa. 

Ayon kay Senador JV Ejercito na chair ng health and demographics committee sa Senado, posibleng ito daw ang dahilan kung bakit nahihirapan ang PhilHealth na magbayad ng claims. 

"That explains kaya mula 2015-2016 hanggang ngayon ay hirap ang PhilHealth. Malaki kasi ang P10 billion at 'yun ay kumain na sa reserved funds nila," hinala ni Ejercito.

Pero paglilinaw ni Basa, hindi naman ito nakaapekto sa pagbabayad nila sa claims dahil malaki pa rin daw ang reserved funds ng PhilHealth.

Pero hindi naman maiwasan ng Private Hospitals Association of the Philippines (PHAP) na sumama ang loob dahil sana daw ay ibinayad na lang sa kanila ang nasabing P10 bilyon.

"That is tantamount to malversation or illegal transfer of funds, kahit hindi ako lawyer, common sense 'yun, funds ng PhilHealth 'yun bakit mo kukunin," ani PHAP president Rustico Jimenez.

Noong Marso 2018, sinampahan ng PhilHealth ng reklamo sila Garin at Padilla sa Ombudsman dahil sa kanila umanong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
 
Mariin namang itinanggi ni Garin ang paratang at sinasabing naghahanap lamang ang PhilHealth nang masisisi sa kanilang palpak na pagpapatakbo sa pera.

"No such diversion. PhilHealth has been told about it several times. Culprits of PhilHealth fraud and bloated financials are looking for a scapegoat on the real reasons behind their disastrous financial situation," ani Garin. 

--Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.