Footbridge hiling ng mga estudyanteng tumatawid sa ilog para makapasok

ABS-CBN News

Posted at May 29 2018 03:30 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ilog ang kailangang tawirin ng mga estudyante makapasok lang sa Sapangdako Elementary School sa Cebu City araw-araw.

Ang problema, kapag tumaas ang tubig, hindi na sila makalusot.

"Madalas kaming um-absent kapag tumataas ang tubig dahil hindi na po makadaan papunta sa eskuwelahan," kuwento ni Adrian Cañete.

Ang nanay na si Jovie Ragasajo na may 3 anak na nag-aaral sa Sapangdako, aminadong natatakot tuwing tumatawid ang mga anak niya sa ilog.

"Mahirap para sa kanila ang daanan. Dapat magtayo na ng footbridge para sa kanila," hiling ni Ragasajo.

Kaya bukod sa pag-aayos ng mga gamit sa paaralan ngayong "Brigada Eskwela" week, hiling nila na magkaroon na sana ng footbridge para may madaanan ang mga estudyante na kailangang tumawid ng ilog.

Ayon naman kay Babylin Palban, principal ng paaralan, may mga pribadong grupo nang nag-alok ng tulong sa pagpapagawa ng footbridge.

Bilang pansamantalang solusyon naman sa isyu nila sa silid-aralan, sa barangay hall na muna magka-klase ang ibang estudyante.

-- Ulat ni Jude Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.