FDA, ipinasusuri ang energy at workout drinks

ABS-CBN News

Posted at May 29 2018 10:52 PM

Ipinag-utos ng pamunuan ng Food and Drug Administration (FDA) ang pagsusuri sa workout at energy drinks sa merkado.

Ito ay kasabay ng kontrobersiyang kinasasangkutan ng Philippine Basketball Association (PBA) player na si Kiefer Ravena.

Sinuspinde kasi siya ng FIBA nang magpositibo sa tatlong substance na ipinagbabawal ng World Anti-Doping Agency (WADA).

Depensa ni Ravena, ang pagpositibo niya sa drug test ay bunsod umano ng pre-workout drink na ininom niya.

Sinabi ni FDA director Nela Charade Puno na nakikita niya ito bilang tamang pagkakataon para muling pag-aralan ang sangkap at labelling ng mga workout drinks para na rin maprotektahan ang kalusugan ng publiko.

Sinabi pa ni Puno na ikalulugod niya kung makikipagtulungan sa kanila si Ravena.

--Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.