Detainee, namatay sa loob ng selda sa QC

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at May 29 2018 11:54 PM

Isang lalaking preso ang binawian ng buhay habang nasa loob ng detention cell ng Novaliches Police Station sa Quezon City nitong Martes. 

Kinilala ang preso na si Jeffrey Norio, 37 anyos na construction worker. 

Ayon sa salaysay ng isang preso, nakatayo siya sa lugar at naghahanap ng matutulugan nang mapansin niya si Norio na tila nahihirapang huminga. 

Tinawag niya ang mga pulis na naka-duty upang dalhin si Norio sa ospital ngunit binawian din ito ng buhay. 

Hinihintay pa ng awtoridad ang resulta ng eksaminasyon upang malaman kung ano ang dahilan ng kaniyang pagkamatay. Walang nakitang sugat o external injuries sa katawan ng preso. 

Simula noong nakaraang taon, ilang preso na sa Metro Manila ang namatay sa loob ng kulungan na ang ilan ay sinasabing sanhi ng siksikang selda. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.