Dahil sa baha, mga mag-aaral magkaklase sa gilid ng kalsada sa Maguindanao

Lore Mae Andong, ABS-CBN News

Posted at May 29 2018 08:00 PM

SHARIFF SAYDONA MUSTAPHA, Maguindanao - Nagtayo na ang mga guro ng Pagatin Elementary School ng mga makeshift classrooms sa gilid ng ilang kalsada dito ilang linggo bago magbukas ang klase. 

Magtitiis muna ang mga guro at mag-aaral sa mga butas-butas na trapal ng tent at maputik na sahig dahil halos 2 taon nang lubog sa baha ang mga silid sa naturang paaralan.

"Noong [school year] 2016-2017 at 2017-2018 'di na namin nagamit. Dito na kami kasi 'yung mga bata, sinasabi nila na may mga bayawak daw tapos mga ahas at stagnant na rin ang tubig," ani Noriha Abdulkadir, principal ng Pagatin Elementary School.

Inaasahang aabot sa 256 na mag-aaral mula Grade 1 hanggang grade 6 ang pagkakasyahin ng mga guro sa mga pansamantalang silid aralan sa darating na pasukan.

"Kailangan talaga namin ng tulong. 'Yung immediate kahit mga trapal lang, earthfill para sa tambak kasi mag e-extend kami diyan," ani Abdulkadir.

"Gagawin talaga namin na maging ready kami para sa pagpasok ng mga bata kasi 'yung mga pumapasok dito interesado sila (mag-aral) kaya nga kahit sa anong paraan gagawa kami ng solusyon na ma-cater sila kasi kawawa naman sila," dagdag niya.

Ang ilang magulang naman ay nagdesisyon na huwag ilipat sa ibang paaralan ang kanilang mga anak kahit sa mga tent sila pansamantalang mag-aaral.

"Ayaw ng tatay niya kasi malayo 'yung doon sa Datu Piang [elementary school]," ani Noraida Lacid na may 2 anak na mag-aaral sa mga pinagtagpi-tagping classroom.

Hinahanapan na ng paraan ng mga awtoridad upang hindi sa gilid ng kalsada mag-klase ang mga estudyante ng Pagatin Elementary School, ani Meriam Kawit, Division Superintendent ng Department of Education.

Pinag-aaralan din ng mga awtoridad kung ligtas pang gamitin ang paaralang halos 2 taon nang lubog sa baha, dagdag ni Kawit.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.