5 patay sa police ops sa QC, Bulacan

ABS-CBN News

Posted at May 29 2018 11:04 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Patay ang limang lalaki kasunod ng magkakahiwalay na police operations sa Quezon City at Bulacan.

Sunod-sunod na putok ang bumulabog sa mga residente ng Barangay Greater Fairview, Quezon City habang naghahabulan ang mga miyembro ng Quezon City Police Department (QCPD) Station 5 Drug Enforcement Unit at mga suspek sa pagtutulak ng droga. 

Nakuhanan din ng CCTV ng Barangay Greater Fairview ang ginawang buy-bust ng mga pulis.

Katransaksiyon ng dalawang nagpanggap na buyer ang mga drug pusher umano na sina alyas "Macmac" at "Ryan" na makikita sa video na nakasuot ng cap.
    
Pero natunugan umano nilang pulis ang kausap kaya agad namaril ang isa sa mga suspek. 

Napaupo pa ang pulis sa tama ng bala sa dibdib.

Nagkataon namang naka-bulletproof vest siya.

Hinabol ang mga suspek na napatay sa Regalado Street.

Sa imbestigasyon ng QCPD Station 5, bukod sa pagbebenta ng droga ay sangkot din ang mga suspek sa holdapan at nakawan.

BARANGAY BATASAN

Napatay din ang dalawang hinihinalang holdaper sa Barangay Batasan sa Quezon City.

Narekober ang motorsiklo ng mga suspek na ninakaw umano nila.

Kuwento ng nagpakilalang may-ari ng motorsiklo na si Judito Opinion, Jr., tinutukan siya ng baril ng mga kawatan saka pinadapa at sinipa bago tinangay ang kaniyang motorsiklo.
    
Bukod sa rider, hinoldap din umano ng mga suspek ang mga kumakain sa isang burger stand.

Nagpaputok ang mga holdaper nang tumanggi ang isang customer na ibigay ang kaniyang bag kaya naalarma ang mga pulis at nagkahabulan.

Nabaril naman sa binti si Police Officer I Julius Reyes. 

BULACAN

Sa barangay Sto. Cristo sa San Jose del Monte, Bulacan naman, napatay ang fish vendor na si alyas "June Isda" na itinuturong drug pusher umano.
 
Katatapos lang daw magbenta ng suspek ng shabu sa police asset nang magkabarilan.

Ayon kay Supt. Fitz Macariola, hepe ng San Jose del Monte Police, sinubukan nilang arestuhin ang suspek nang biglang bumunot ng kalibre .45 at pinaputukan ang mga pulis.
    
Nasa drugs watchlist ang napatay na nakuhanan ng isang sachet ng hinihinalang shabu.

-- Ulat nina Isay Reyes at Ferdie Dugay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.