Tulong gumugulong para Marawi maitawid sa gutom

ABS-CBN News

Posted at May 29 2017 06:48 PM | Updated as of May 30 2017 01:18 AM

Gumugulong na ang sari-saring inisyatiba para tulungan ang mga mamamayan ng Marawi City habang lumalakad patungo sa ikapitong araw ang bakbakan sa siyudad. 

Kanya-kanyang diskarte naman ang mga naipit sa giyera para lang makalabas ng Marawi City nang buhay. 

Tumatanggap ng donasyon ang isang unibersidad ng Cagayan de Oro City para ipamahagi sa mga residenteng apektado ng bakbakan sa Marawi.

Sa Bacolod City, may mga ipinadalang donasyon naman sa social action center ng Diocese of Bacolod.

Drop-off center para sa CDO 

Sa loob ng Xavier University sa Cagayan de Oro City, may relief and response command center na tumatanggap ng donasyon para sa mga apektado ng bakbakan sa Marawi city.

Sa likod, may mga estudyante at alumni volunteers na nagre-repack ng mga donasyon.

Sabi ng mga nag-organisa nito, patuloy ang kanilang panawagan para sa mga halal at non-pork goods na easy-to-open, easy-to-eat para hindi na kailangan lutuin din sa mga evacuation center.

Target nilang makakuha ng 5,000 food packs at hygiene kits na ipamamahagi sa evacuation centers sa Iligan City at apektadong pamilya na naiwan pa sa marawi. 

Tumatanggap din sila ng mga kumot, tubig at kitchen utensils.

Donasyon sa Bacolod

Sa Bacolod City, nagsidatingan na ang mga kahon na naglalaman ng mga delatang pagkain, mga gamit sa banyo at mga damit.

Ayon kay Father Chris Gonzales, director ng Social Action Center ng Diocese of Bacolod, patuloy silang tatanggap ng mga donasyon at ipapadala sa simbahan ng karatig bayan ng Marawi City.

Nanawagan din siya sa publiko na bukod sa mga pagkain at damit, panalangin ang mas kinakailangan para humupa ang kaguluhan doon.

Pagtakas sa air strike 

Kahit may air strike, gumagawa pa rin ng paraan ang ilang sibilyan para makatakas sa bakbakan.

Kuwento ng construction worker na si Timoteo Rodriguez, iniwan sila ng kanilang contractor nang sumiklab ang bakbakan.

Ilang araw silang sumuot sa kisame ng kalapit na eskuwelahan at doon nagtago.

Naglakas-loob lang silang pumuslit nang magsimula ang air strike dahil baka abala raw ang mga terorista.

Wala silang kasiguruhan kung anong kalsada ang ligtas o kung saan may patibong.

Ang mahalaga, makaalis sila palayo sa bakbakan.

Salubong 

Sa isang kabilya na kinabitan ng puting t-shirt, sinalubong sila ng Red Cross na naghihintay sa may checkpoint ng mga humihingi ng saklolo.

Maglilimang araw din bago nailigtas ang pamilya ni Lisa Tinora na na-trap sa loob ng bahay kung saan nakadapa lang sila sa sahig dahil sa takot na tamaan ng bala o bomba.

Nang sunduin na ng mga sasakyan ng awtoridad, siniguro niyang nakakabit sa kanya ang tatlong anak.

Sa bungad ng Iligan, naroon naman ang grupo nina Myrna Rondina. Nagtatrabaho sila sa gilingan ng bigas sa Marawi kung saan dinakip ng mga terorista ang ilan sa kanilang mga kasamahan.

Proteksyon ng katrabaho

Hiniwalay umano ang mga Kristiyano sa grupo pero sila, prinotektahan ng mga katrabahong Muslim at tinuruan ng mga sasabihin para hindi makuha ng mga armadong lalaki.

Binihag umano ang mga Kristiyano, gayundin ang mga Muslim na hindi nakasagot nang tama dahil sa takot.

Ang ilan sa kanilang mga katrabaho, hindi pinalad na makaligtas. Natagpuan na lang ang bangkay ng ilan sa kanilang mga kasamahan sa bangin sa gilid ng kalsada na may nakakabit na karatulang nagsasabing ''munafik'' o traydor.

Tumulak pa-Iligan ang grupo para hanapin ang mga nawawalang labi ng mga kaibigan - Kristiyano man o Muslim.

Giit pa ng mga naipit at nakaligtas sa gyera, hindi umano ito laban ng relihiyon dahil kahit sino, maaaring tamaan ng bala at bomba.

Trak ng tulong 

Samantala, bahagyang nagkagulo naman ang mga residente nang mapadaan ang truck ng relief goods ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) habang pinapasok ang critical area sa Marawi City.

Nag-aabang ang mga residente ng masasakyan palabas ng lungsod o ng mga magbibigay ng pagkain.

Nagtatakbuhan ang mga residente, dahil mabilisan ang relief operation para makaiwas sa air strikes at mga sniper ng Maute.

Mahigit 2,000 pang mga residente ang naiipit ngayon sa loob ng warzone.

Halos 70,000 mga residente o nasa 14,000 pamilya ang apektado na ng giyera.

Ayon sa Provincial Crisis Management Committee, 40-50% ng Marawi ang nasa full control na umano ngayon ng mga tropa ng gobyerno.

-- May mga ulat mula kina Joey Taguba, Jeff Canoy, Ron Gagalac, at Marty Go, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.