Tuition-free sa kolehiyong pampubliko, tuition hike sa ilang pribado

ABS-CBN News

Posted at May 29 2017 05:26 PM

Inaprubahan na ng parehong kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas sa libreng matrikula. Samantala, ilang pribadong eskuwelahan naman ang pinayagang magtaas ng tuition. 

Layon ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act na gawing libre na ang tuition sa state colleges and universities (SUCs) at sa local universities and colleges (LUCs).

Sakaling ratipikahan na ng Kongreso, ipapadala ang panukala sa Malacañang para sa lagda ng Pangulo na magbibigay bisa sa bagong batas.

Kapag nagkataon, malaking buwenas ito sa mga hikahos at nangangailangang estudyanteng gustong makatapos ng kolehiyo.

"Noong dekada 80 lang naging libre ang high school sa Pilipinas," ani Sen. Bam Aquino na isa sa may-akda ng panukala. "Thirty years later, magiging libre na rin ang tertiary o college sa SUCs at LUCs." 

Sa ilalim din nitong panukalang batas, palalakasin ang lahat ng student financial assistance programs para sa iba pang gastusin ng mga estudyante sa mga pampublikong unibersidad at kolehiyo. Magbibigay subsidiya rin ito sa mga estudyanteng gustong magtuloy ng kolehiyo sa pribadong unibersidad.

Taas-matrikula ng mahigit 200 eskuwelahan, inaprubahan

Samantala, inaprubahan ng Commission on Higher Education (CHED) ang aplikasyon ng 268 private higher education institutions (HEIs) para sa taas-matrikula ngayong school year 2017-2018.

Mas mababa raw iyan ng 36 na eskuwelahan kumpara sa bilang ng paaralang inaprubahang magkaroon ng tuition hike noong nakaraang school year.

Ayon sa CHED, katumbas ng P86.68 kada unit ang average ng aprubadong taas sa tuition, habang P243 naman sa iba pang bayarin sa paaralan.

Magkakaiba rin ang pagtaas depende sa HEI at rehiyon.

Nasa Metro Manila ang pinakamataas na tuition hike.

Inaatasan naman ng batas ang HEIs na ilaan ang 70% ng tuition hike para sa mga suweldo at iba pang benepisyo ng teaching at non-teaching personnel; 20% sa pagpapabuti ng pasilidad sa paaralan, at 10% sa pagbalik ng investment kung stock corporations.

Inaprubahan ng CHED ang mga bayarin base sa regional inflation rate, financial standing ng institusyon, financial capacity ng mga estudyante, at iba pang pamantayan. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.