Marawi, di pa rin lubusang nababawi

ABS-CBN News

Posted at May 29 2017 07:15 PM | Updated as of May 30 2017 01:11 AM

Mga residente, nataranta sa maling balitang susunugin ang siyudad

Magdamag walang puknat pa rin ang palitan ng opensiba sa pagitan ng tropa ng gobyerno at Maute group sa Marawi.

Halos hindi na tumitigil ang serye ng pambobomba at air strikes ng militar kontra mga terorista na pinaniwalaang nagkukuta sa sentro ng Marawi. Bunsod nito, naglalakihan na rin ang mga sunog sa lungsod ngayong isang linggo na mula nang sumiklab ang karahasan doon.

Pero hindi rin umaatras ang mga kalaban. Hindi man sila naaaninagan, panay ang pakawala nila ng sniper shots sa mga bumababa mula sa helicopter ng pamahalaan.

Pinipigilan ng mga rebelde na makalusot ang mga sundalo sa Mapandi Bridge na patungo sa sentro ng Marawi. Ibinabandera pa nila sa tulay ang watawat ng ISIS.

Malapit lang sa nasabing tulay ang isang patrol base ng mga sundalo na sinalakay ng mga terorista.

Sa eksklusibong ulat ng ABS-CBN News, lumabas na maraming nakuhang armas ang mga rebelde mula roon. Pinatay rin nila ang pitong sundalong nagbabantay sa lugar.

Hindi rin daw pinalampas ng mga terorista maging ang nananahimik na estatwa ng bayaning si Gat Jose Rizal. Pinagbabaril nila ang monumentong nakatindig sa loob ng lungsod.

Ayon sa Armed Forced of the Philippines (AFP), 61 miyembro na ng Maute ang napatay sa sagupaan.

Pamamahagi ng tulong, mabilisan para hindi asintahin ng mga terorista

Bahagyang nagkagulo nang mapadaan ang truck ng relief goods ng DSWD habang pinapasok ang isang critical area sa Marawi city.

Nasa kalsada kasi ang ilang residente na nag-aabang ng masasakyan palabas ng lungsod o ng mga magbibigay ng pagkain.

Napilitang huminto ang truck para magbigay ng 100 kahon ng relief goods bago dumiretso sa talagang destinasyon nito.

Itinuloy ang pamamahagi ng may 500 relief packs sa loob ng Mindanao State University. Pagkatapos ay itinuloy ang pamamahagi sa iba pang critical area sa Marawi. Nagtatakbuhan ang mga residente, dahil mabilisan ang relief operation para makaiwas sa air strikes at mga sniper ng Maute.

Ayon sa ilang residente, nagiging limitado rin ang ipinapamahaging pagkain dahil panahon ngayon ng pag-aayuno o fasting alinsunod sa Ramadan.

Mga naiwang residente, dumiskarte sa pagtatago at rasyong pagkain

Narating din ng News team ang isang konkretong bahay sa lugar kung saan dinig ang mga putukan at pagyanig dahil sa mga bomba. Sa loob nito, sa isang madilim na kuwarto, nagtatago ang may 30 residente.

Ayon sa kanila, hindi sila lumilikas dahil wala silang pera para manirahan sa ibang lugar. Nasa isang barangay din naman daw sila na ligtas sa mga air strike at pag-atake ng Maute group.

Sa isang manhole na may sirang tubo sila kumukuha ngayon ng tubig. Nakakuha rin sila ng relief goods mula sa DSWD. Kaya naman matinding pagtitipid ang kanilang ginagawa para mapagkasya ang kakaunting pagkain.

Kuwento ng residenteng si Macapanton Dimalutang, nilalagyan nila ng tubig ang sardinas para magkaroon ng konting sabaw. Dalawang tao rin ang naghahati sa isang hiwa ng sardinas.

Ayon sa Provincial Crisis Management Committee, hanggang 50% na ng Marawi ang nasa full control na ng mga tropa ng gobyerno.

Narekober naman ng lokal na pamahalaan ang 18 bangkay ng mga sibilyan.

Mga inabandonang bahay, nilooban

Bahagyang napakalma ang kalooban ng ilang naiwang residente sa Marawi nang magbahay-bahay ang Marines.

Nilinaw ng mga sundalo na hindi totoo ang kumalat na usap-usapang ipinapasunog na ng Pangulo ang buong lungsod. Ito raw kasi ang nakarating sa mga residenteng lalo pang nabagabag dahil sa bantang tuluyang mawalan na ng tirahan.

Iyon nga lang, kasunod ng paglikas ng mga residente, nilooban daw ang mga inabandonang bahay nila.

Kaya naman muling nag-ikot ang Marines sa ilang barangay sa Marawi para tiyakin ang seguridad ng mangilan-ngilang naiwan pa ring residente at ang tahanan ng mga lumikas.

Sa Iligan City, dumami pa ang mga ‘bakwit’ na tumutuloy sa iba’t ibang evacuation centers ng lungsod.

Karaniwang nagtitiyaga ang bawat pamilya na matulog sa iisang banig lamang. Tinitiis din nila ang init at kakulangan ng palikuran.

Pero ang mas inaalala ng ilang lumikas ay wala na silang ari-ariang babalikan sa Marawi.

Kasabay naman ng pagbisita ni Vice President Leni Robredo, hiniling niyang matutukan ng gobyerno ang pabahay para sa mga lumikas.

Bukod sa pagbisita sa evacuees, nakiramay rin ang pangalawang pangulo sa mga naulila ng mga nasawing sundalo. 


-- Ulat nina Chiara Zambrano, Ron Gagalac, Jorge Cariño, at Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.