Imee Marcos, ipina-subpoena, 3 Ilocos official, ipinakulong ng Kamara

Robert Mano, ABS-CBN News

Posted at May 29 2017 12:11 PM

FILE PHOTO: Ilocos Norte Gov. Imee Marcos. ABS-CBN News

MANILA - Ipinag-utos ng House committee on good government and public accountability Lunes na patawan ng contempt ang 3 opisyal ng Ilocos Norte kaugnay ng umano'y maanomalyang paggamit ng tobacco excise tax. 

Sakop ng kautusan si provincial treasurer Josephine Calajate at mga tauhan niyang sina Encarnacion Gaor at Genedine Jambaro. 

Inihain ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas ang mosyon para ma-cite in contempt ang 3 matapos umano nilang magpalusot sa kanyang mga tanong ukol sa pagbili ng Ilocos Norte government ng mini cab noong 2011, gamit ang P66.4 milyon na pondo galing sa tobacco excise tax. 

Giit ni Fariñas, hindi puwedeng gamitin para rito ang naturang pondo dahil itinatakda ng batas na ito ay para lamang sa pagpapaunlad ng tobacco industry. 

Ikukulong sina Calajate, Gair at Jambaro sa holding area ng House of Representatives hangga't hindi nila nililinaw ang isyu. 

Samantala, inaprubahan din ng komite ang mosyon para i-subpoena sa imbestigasyon si Ilocos Norte Governor Imee Marcos dahil 3 beses na siyang hindi sumisipot sa mga pagdinig.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.