Ebidensiyang nakuha sa drug bust operation sa Caloocan City noong Mayo 27, 2023 sa Caloocan City, kung saan nakumpiska ang P25.8 milyong halaga ng hinihinalang shabu. Retrato mula sa Caloocan City Police Station
Aabot sa halos P26 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ng mga awtoridad sa buy-bust operation sa Caloocan City noong Sabado.
Dalawa ang naaresto, kabilang ang tulak na si alyas "Edwin" na nagbabgasak ng ilegal na droga sa iba-ibang lugar sa Metro Manila, ayon kay Col. Ruben Lacuesta, hepe ng Caloocan police.
Ikinasa ng mga pulis ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyong pupunta si "Edwin" sa Caloocan.
Nasa 3,800 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalagang P25.8 milyon ang nakumpiska umano sa mga suspek.
Ayon kay Lacuesta, hindi matitinag ang mga pulis sa paghuli sa drug suspects kahit pa pinagbabaril at hinagisan ng granada ang drug enforcement unit ng Northern Police District noong nakaraang linggo.
"Hindi po tayo titigil kahit na sabihin na mayroon pong ganyang na mga insidente ay mas lalong nandoon 'yong motivation na talagang mas aggressive pa 'yong ating gagawin," ani Lacuesta.
Naghigpit na rin ng seguridad ang pulisya sa kanilang tanggapan para tiyaking hindi na mauulit ang insidente, ani Lacuesta.
Mahaharap naman umano sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 si "Edwin" at ang kaniyang kasabwat.
RELATED VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.