PatrolPH

Liquor ban, no sail policy ipinatupad sa Isabela bunsod ng Bagyong Betty

ABS-CBN News

Posted at May 28 2023 04:46 PM

Masusi nang ipinatutupad ngayong Linggo ang liquor ban sa buong probinsiya ng Isabela, na nasa ilalim ng Signal No. 1 bunsod ng Bagyong Betty.

Pinaiiral na rin ang no sail policy, lalo sa mga coastal municipality gaya ng Palanan, Maconacon, Divilacan at Dinapigue.

Ayon sa Palanan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, "rough to very rough" ang situwasyon sa kanilang dagat ngayong Linggo.

Pero hindi pa nakakaranas ng mga pag-ulan bunsod ng Bagyong Betty. Katunayan ay maaliwalas pa ang panahon, na paminsan-minsan ay maulap at may pagbayo ng hangin.

Naabisuhan naman na ang mga barangay official na magpatupad ng preventive evacuation sa mga residenteng nakatira malapit sa dagat, ani John Bert Neri, assistant officer sa MDRRMO.

May mga residente ring nagtali na ng bubong sa kanilang mga bahay bilang paghahanda sa bagyo.

Sa Cagayan, ramdam na ang epekto ng Bagyong Betty sa ilang bayan.

Sa bayan ng Calayan, makulimlim na ang kalangitan, base sa video na ibinahagi ng barangay kagawad na si Jeo Nuñez Arirao.

Ayon sa Cagayan Provincial Information Office, nakaranas na rin ng manaka-nakang buhos ng ulan at pagbugso ng hangin sa Sanchez Mira, Abulug at Allacapan.

Patuloy umano ang monitoring ng mga local disaster unit sa sitwasyon ng mga bahaing lugar. 

Sa Gonzaga, inikot ng mga tauhan ng local disaster office ang mga evacuation center para tiyakin ang kahandaan para sa mga lilikas na residente.

Naka-monitor na rin umano ang Philippine Coast Guard sa situwasyon sa mga tabing-dagat na lugar gaya ng Aparri, kung saan nagsimula nang makaranas ng maalon na lagay ng dagat.

Sa Solana, nagpatupad na ng liquor ban ang lokal na pamahalaan.

Ipinag-utos naman ni Cagayan Acting Governor Melvin Vargas ang suspensiyon ng klase sa lahat ng antas ng pampubliko at pribadong paaralan sa Lunes, Mayo 29.

Pati ang mga pasok sa mga opisina ng gobyerno ay sinuspinde, maliban sa mga nasa health service at disaster response unit.

— Ulat ni Harris Julio

RELATED VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.