Nadagdagan ang mga lugar sa Oriental Mindoro na tinanggalan na ng fishing ban kasunod ng oil spill sa probinsiya.
Inanunsiyo noong Sabado ni Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor na lifted na ang fishing ban sa Calapan City, at mga bayan ng Bansud at Gloria.
Ayon kay Dolor, ito ay base sa rekomendasyon ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources matapos pumasa sa pagsusuri ang kalidad ng tubig at isda sa dagat sa mga nasabing lugar.
Naunang inalis ang fishing ban noong Mayo 8 sa mga bayan ng Baco, San Teodoro, Puerto Galera, Bongabong, Mansalay, Bulalacao at Roxas.
Pero mananatili naman umano ang fishing ban sa mga bayan ng Pola, Naujan at Pinamalayan, na nasa 10 hanggang 15 kilometro ang layo mula sa pinaglubugan ng oil tanker na MT Princess Empress.
"Sa susunod na mga araw ay magpapanimula na po muli ang pagsipsip ng oil using fire opal na barko at maaari itong magdala pa ng dagdag na panganib sa paikot ng radius na ito kaya hindi pa advisable ang pangingisda," paliwanag ni Dolor sa pagpapanatili ng ban sa 3 lugar.
Nagpaalala si Dolor na hindi pa rin inirerekomenda na hulihin o kainin ang mga shellfish at iba pang yamang dagat na walang buto, habang ang mga isda'y dapat aniyang lutuin mabuti.
"Hindi po puwedeng hilaw na kainin so lutuin ito nang maayos," anang gobernador.
Simula Hunyo 1, tatanggap na ng emergency cash transfer assistance mula sa Department of Social Welfare and Development ang mga naapektuhan ng fishing ban at oil spill sa Oriental Mindoro.
Ayon kay Dolor, P12,000 ang tatanggapin ng mga may-ari ng bangka habang P6,000 naman ang makukuha ng bawat mangingisda, fish vendor at mga nanghuhuli at nagbebenta ng mga shellfish. Hahatiin umano ang pamimigay sa loob ng dalawang linggo.
Ang cash assistance na ito ay maaaring gamitin sa kanilang pagsisimula muli sa paghahanapbuhay, gaya ng pagbili ng krudo para sa mga bangka.
Pagligo sa dagat, puwede na rin
Kasabay ng pag-lift ng fishing ban, pinapayagan na rin ang pagligo sa dagat at iba pang water sports activities sa Oriental Mindoro maliban sa Pola, Pinamalayan at Naujan, ayon kay Dolor.
Ayon kay Dolor, nangangahulugang full blast na ulit ang turismo sa Oriental Mindoro, partikular sa Puerto Galera.
Ibinahagi rin ni Dolor na patuloy na pinoproseso ang paghahain ng insurance claims sa mga apektado ng oil spill.
Inatasan ni Dolor ang P&I Insurance at ang International Oil Pollution Compensation Fund na magkaroon ng provisional payment sa mga nauna nang nakapaghain ng insurance claims.
Ibig sabihin nito'y dapat magkaroon na ng advance payment ang insurance company habang patuloy pa ang pagkukwenta sa kung magkano ang matatanggap ng bawat isang naapektuhan, lalo't nasa tatlong buwan na mula nang mangyari ang trahedya.
Ayon kay Dolor, sa ngayo'y 6,874 pa lang ang nakapaghain ng insurance claims mula sa 26 na barangay ng Oriental Mindoro.
RELATED VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.