MAYNILA – Umaasa ang Bureau of Immigration (BI) na lalo pang tataas ang inbound passengers sa bansa ngayong inalis na ng pamahalaan ang COVID-19 test requirement sa mga fully vaccinated at may booster shot na bihayero.
Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval, nasa 15,000 ang daily average arrival sa bansa ngayon, bagamat malayo pa sa pre-pandemic period na umaabot ng 45,000.
"Nakikita po natin na talagang umangat naman ’yung bilang ng mga turista na mga dumarating po sa bansa mula po noong dahan-dahan tayong nagluwag sa travel restrictions mula po noong Pebrero," ani Sandoval.
"So nag-simula po ’yan actually, ang daily arrivals natin was just around 4,000 to 5,000 per day. Ngayon po tumaas na po ’yan to 15,000 per day. A little bit far pa po doon sa pre-pandemic figure natin, but we’re getting there."
Patuloy pa ring nakikipag-ugnayan ang BI sa Department of Health at Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases kung may pangangailangan na maghigpit ng borders dahil naman sa pagkalat ng monkeypox sa iba-ibang bansa, ayon kay Sandoval.
Handa naman aniya ang ahensya na magpatupad ng kaukulang panuntunan para maharang ang sakit, katulad ng ginawa sa COVID-19.
"Similar po dito sa COVID-19 pandemic, kung maalala niyo po, during the first few months of the pandemic, we were implementing country-specific travel restrictions ... nakikita po natin na maaring maging similar ’yung mga actions," ani Sandoval. – Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.