PatrolPH

Pangulong Duterte namasyal sa Davao Del Sur gamit ang motorsiklo

ABS-CBN News

Posted at May 28 2022 05:48 PM

Nakitang nagmotorsiklo si Pangulong Rodrigo Duterte patungong Digos, Davao del Sur Sabado. Larawan mula kay Sen. Bong Go
Nakitang nagmotorsiklo si Pangulong Rodrigo Duterte patungong Digos, Davao del Sur Sabado. Larawan mula kay Sen. Bong Go

Namasyal si Pangulong Rodrigo Duterte nitong Sabado sa Digos City, Davao del Sur sakay sa kanyang kakaibang motorsiklo, base sa larawan na ibinihagi ng kanyang long-time aide, Senator Christopher "Bong" Go. 

Alas-3:15 daw ng hapon nang gumala ang Pangulo sa lungsod.

Nakitang nakamotor papuntang Digos City, Davao Del Sur ang Pangulo, base sa mga video na kuha ng ilang residente doon.

Sa video ni Maricon Daquiado na kuha niya sa Barangay Toril, makikitang kasama ni Duterte ang ilan pang mga rider at mahigpit din ang seguridad. 

Ayon kay Daquiado, unang beses niyang nakita ang Pangulo sa personal.

Sa video naman ni Alkhen Hasan na kuha niya sa Inawayan sa bayan ng Santa Cruz, mistulang motorcade ang pagbiyahe ni Duterte dahil sa mga tagasuporta at kababayan niyang nakaabang sa gilid ng kalsada.

Ayon kay Go, sinabihan siya ng Pangulo na dalasan ang pagbiyahe lulan ng motorsiklo dahil nalulumbay na ito ngayong paalis na sa posisyon bilang pangulo.

"Ang ingon niya, gusto daw siya mag-motor. Wala naman, pa-retire na man siya. Wala na man siya kabalo unsa iyang buhaton sa retirement," ani Go sa talumpati niya sa pagbubukas ng Malasakit Center sa Digos City.

(Ang sabi niya, gusto niya daw magmotorsiklo. Wala na eh, pa-retire na siya. Hindi na niya alam kung anong gagawin sa retirement.)

Sabi ni Go, nais lamang ng Pangulo ang mamasyal sa siyudad dahil nami-miss niya ang lugar.

Dagdag pa ng senador, 7 taon din nag-aral dati sa lugar ang Pangulo.

Kilala ang dating Davao City mayor na mahilig magmotorsiklo. Kapag may oras ay nagmo-motor ito sa Presidential Security Group compound sa Malacañang complex. 

Noong 2019 ay naaksidente umano sa kanyang 650cc dirt bike ang Pangulo habang nasa Palasyo. 

Matatapos na ang termino ni Duterte sa June 30, at magreretiro na umano ito sa public service. 

Nangako naman siyang mananatiling tagapaglingkod ng bayan kahit wala na siya sa kapangyarihan. 

— Ulat nina Hernel Tocmo at Cheche Diabordo

PANOORIN

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.