MAYNILA – Isang babaeng sanggol ang natagpuan nitong Biyernes na inilagay sa kahon bago inabandona sa Makati City.
Ayon kay Edna Felix, desk officer ng Violence Against Women and Children Desk ng barangay, nakita ng mag-asawang napadaan sa Capt. M. Reyes Street sa Barangay Bangkal ang bata.
Agad dinala ng mag-asawa ang bata sa barangay hall.
Para masigurong ligtas ang bata, pina-check up ito sa health center.
“Maayos siya nu’ng nakuha. Malinis at tsaka nu’ng pina-check up namin siya. Estimated ng doktor 5 to 7 days na. Maayos naman po. OK ’yung health niya” ani Felix.
Ang mga taga barangay, nag-ambagan para ibili ng mga gamit ang sanggol.
Pasado alas-7 ng gabi nang ilipat ang bata sa social welfare department center ng Makati para doon alagaan.
Kasama ng mga taga-VAWC ng barangay ang pulis na si Police SSgt. Jasmin Mae Danao ng Makati PNP.
“Masarap po sa feeling na makatulong sa ibang baby” ani Danao.
Pinainom ng gatas ang bata ni Danao, na may anak ring 5 buwan pa lang kaya labis ang naramdaman niyang awa sa bata. Naiyak pa ito.
“If ever naman po sa nanay kung nagka-post partum siya, sana po kung maayos na ang kanyang pakiramdam, balikan niya ’yung bata. Mas maganda pa rin na totoong nanay mag-alaga sa baby," aniya.
Nakunan ng CCTV ng barangay ang nanay ng bata. Pero dahil naka-face mask at nakapayong ito, hindi ito makilala.
Hindi na rin nahagip sa CCTV ang pag-iwan nito sa bata.
Ayon sa opisyal ng barangay, posibleng hindi residente roon ang nanay. Sa kuha sa CCTV, galing sa labas ng barangay mula EDSA ang direksyon ng nanay.
Sa kabila nito, patuloy silang nagsasagawa ng imbestigasyon para mahanap ang nanay. Teorya ng mga ospisyal ng barangay, iniwan sa lugar ang bata na daanan ng mga tao para madali itong makatawag ng pansin.
Siniguro rin ng nanay na hindi ito mabibilad dahil sa may lilim ng puno iniwan ang bata. – Ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.