PatrolPH

Retiradong pulis na nangingikil umano sa mga truck driver sa Laguna tiklo

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at May 28 2021 06:30 AM | Updated as of May 28 2021 06:32 AM

Watch more on iWantTFC

Sa kulungan ang bagsak ng isang retiradong pulis dahil sa umano’y pangingikil sa ilang truck drivers na dumaraan sa Laguna.

Ayon kay Police Brig. Gen. Thomas Frias Jr., director ng PNP- Integrity Monitoring and Enforcement Group, nagkasa sila ng entrapment operation laban sa suspek na si alyas Mariano, matapos silang makatanggap ng reklamo mula sa isang truck driver na nabiktima.

Ayon sa driver, humihingi ang suspek ng P40,000 kada linggo sa mga operator ng truck na karaniwang dumaraan sa Laguna.

Kapalit ng payola na ito ay madali silang makakalusot sa lahat ng PNP checkpoints sa Laguna.

Sa entrapment operation, nakipagkita ang truck driver sa isang gasolinahan sa Laguna para sa inisyal na P5,000 na kaniyang ibabayad sa suspek. Nang magpositibo na ang palitan ng pera ay agad nang inaresto ang lalaki.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng PNP-IMEG Luzon field unit office ang suspek habang inihahanda ang kasong robbery extortion.

Paalala naman ng IMEG, huwag mag-atubiling tumawag sa kanilang hotline na 0998-970-2286 o 0995-795-2569 kung may nais ireport na PNP personnel na sangkot sa anumang ilegal na gawain.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.