PatrolPH

ABISO: International flights na lalapag sa Cebu ida-divert sa NAIA

ABS-CBN News

Posted at May 28 2021 05:20 PM

MAYNILA — Mahigit 2,000 pasahero ang apektado sa utos ng Malacañang na ilipat sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang mga international flight na lalapag dapat sa Mactan-Cebu International Airport (MCIA).

Sa utos kasi ni Pangulong Rodrigo Duterte, diverted muna sa NAIA ang lahat ng international flights na nakatakdang dumating sa Cebu simula Mayo 29 hanggang Hunyo 5 para matiyak na nasusunod ang quarantine protocols sa mga biyahero.

Hindi idinetalye ng Palasyo ang dahilan sa likod ng utos, pero matatandaang noong Marso ay inatasan ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia ang MCIA na i-test sa COVID-19 ang mga pasahero pagkalapag na pagkalapag nito sa paliparan.

Taliwas ito sa bagong polisiya ng IATF na ite-test lamang ang mga pasahero sa ika-7 araw mula nang dumating sila sa bansa.

Sa panayam ng TeleRadyo, sinabi ni MCIA OIC general manager 
Glenn Napuli na naabisuhan na nila ang airlines ng 12 apektadong flights, pati na ang mga pasahero nito.

Nangangamba naman si Napuli na baka mapilitan ang ilang airline na magkansela na lang ng flight kaysa ma-divert sa NAIA.
    
Problema rin umano kung hindi na masundo ng mga eroplano ang mga pasahero sa Cebu na bibiyahe naman palabas ng bansa.
    
Wala naman anyang dagdag-gastos ang diversion ng flight para sa mga OFW dahil sagot pa rin ng OWWA ang kanilang hotel pagdating sa Maynila, pero iba ang sitwasyon para sa mga regular na balikbayan.

KAUGNAY NA VIDEO 

Watch more on iWantTFC
Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.