Screenshot mula sa video ni Donde Consuelo
PARACALE, Camarines Norte — Nagdulot ng pagkabahala sa mga nakatira sa tabing-dagat ang pagdaong ng cargo ship na J. Peace Panama sa municipal waters ng Paracale, Camarines Norte noong Mayo 21.
Bukod daw kasi sa posibilidad na may dalang sakit ang mga tripulante, nakahimpil ang barko sa lugar na madalas na pangisdaan ng mga residente.
“Ang lugar na tinukod ay pangunahin o the best na ladlaran no’ng mga kwerna. Ang mga kwerna po ay yung mga panghuli ng balaw, animo’y malilit na hipon,” paliwanag ni Roger Data, isa sa convenors ng environmental group na Save Paracale.
BALIKAN:
Isang araw, lumapit ang barge at tugboat na kasama ng barko sa sarado nang Liaoning Fenghua Group Philippine Mining Company sa Barangay Bagumbayan.
Sa imbestigasyon ng Save Paracale, pakay nito na mahakot ang nasa 5,100 metric tons na old stockpile ng iron sand na materyales sa paggawa ng bakal.
Ayon kay Paracale Mayor Romeo Moreno, may mineral ore export permit (MOEP) at ore transport permit (OTP) na ipinakita ang kumpanya, na huling nakapag-extract ng iron sand noong taong 2013.
“Tinanong namin kung meron ba kayong permit, may ipinakita silang permit sa amin, at ang permit na ipinakita is signed by our governor na OTP and MOEP from provincial government,” ani Moreno.
Ayon naman kay Camarines Norte Gov. Edgardo Tallado, may naipakitang katibayan ang mining company na tapos nang magsagawa ng validation sa stockpile ng iron sand ang Mines and Geosciences Bureau (MGB), kaya nag-isyu na rin ang kapitolyo ng OTP at MOEP.
Pero sabi ni MGB-Bicol regional director Guillermo Molina, lumang proseso na ito at dapat na sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na dapat pumunta para sa naturang permits.
“As far as doon sa permitting ng mga materials na ‘yon, it’s no longer the mandate of the LGU, sinabi ko na yun sa letter ko sa kanila na supposed to be the DENR who should be issuing those permits,” ani Molina.
Giit ni Tallado, dumaan sa maayos na proseso ang mga dokumentong hiningi ng kumpanya at hindi nila alam na hindi na maaaring mag-isyu ng OTP at MOEP ang kapitolyo.
"Yung department order nag-lapse noong last year katapusan ng last year, wala akong kopya, hindi kami pinadalahan ng kopya. Yung sa akin nga, kung may ganong department order dapat hindi na vinalidate yun o kaya sa validation report pinag-cite na nila yung department order,” paliwanag pa ng gobernador.
Dahil sa kawalan ng permit mula sa MGB, umalis na lamang nitong Huwebes sa karagatan ng Paracale ang barko na hindi nahakot ang nasa mahigit P9.7 milyong halaga ng iron sand.
Dadalhin sana ito sa nakabiling mineral product company sa Lingbao City, Henan Province sa China.
– Ulat ni Jonathan Magistrado
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Regions, regional news, J. Peace Panama, Paracale, Camarines Norte, Save Paracale, Liaoning Fenghua Group Philippine Mining Company, mineral ore export permit, ore transport permit, Tagalog news, patrolph