MAYNILA — Dalawang pulis na ang kumpirmadong patay matapos makasagupa ang ilang hinihinalang miyembro ng New People's Army (NPA) sa Magsaysay, Occidental Mindoro nitong Biyernes ng umaga.
Sa panayam ng ABS-CBN News kay Occidental Mindoro Police provincial director Lt. Col. Jordan Pacatiw, kinumpirma niya na bukod sa mga nasawi ay di bababa sa 2 pa ang kritikal.
Ayon kay Pacatiw, bahagi ng security convoy ni Gov. Eduardo Gadiano ang tinambangang sasakyan na lulan ang mga pulis.
Ayon kay Gadiano, kasama niya ang police provincial director at pauwi na sila matapos ang "Serbisyo Caravan" ng Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict sa isang bundok na barangay sa bayan ng San Jose nang maganap ang pananambang.
Nakalampas na ang mga sasakyan nina Gadiano at Pacatiw nang mangyari ang ambush.
Sa ngayon ay tinutugis na ang mga salarin sa kabundukan at dumating na rin ang dadag-puwersa ng SAF at Philippine Army.
—Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, rehiyon, region, regional news, regional, Occidental Mindoro, ambush, NPA