PatrolPH

Wilkins Villanueva, nanumpa na bilang bagong hepe ng PDEA

Joey Taguba Yecyec, ABS-CBN News

Posted at May 28 2020 05:29 PM | Updated as of May 28 2020 09:06 PM

CAGAYAN DE ORO CITY - Opisyal nang manunungkulan bilang bagong Director General ng Philippine Drug Enforcement Agency si Wilkins Villanueva matapos ang kaniyang oath taking sa sala ni Regional Trial Court Branch 25 Judge Arthur Abundiente, Huwebes ng umaga.

Ayon kay Villanueva, nagpapasalamat siya sa lahat nang naniwala sa kaniyang kakayahan na mamuno sa ahensya lalo na kay President Rodrigo Duterte.

"This oath taking is needed para maka-start na ako officially sa function ko as PDEA Director General kahit wala pa ako sa Manila. I can now function officially as Director General," pahayag niya.

"Ang mensahe ko lang sa lahat, sana ay tulungan ninyo ako. Nagbasa ako lahat from different social media and nakita ko yung outpouring of support," aniya.

Dagdag ni Villanueva, maliban sa kampanya kontra droga, kabilang sa tututukan ng kaniyang administrasyon ang paggawa ng safety protocol sa kanilang anti-drug operation ngayong panahon ng pandemiya.

"Itong challenge na 'to, hindi lang ito yung dahil mabe-break mo yung Bayanihan Law. Itong challenge na 'to, ito mismo ang baka maging ikamatay pa ng ahente natin. So we will really be working on the strict protocol on the conduct of anti-drug operation," aniya.

Taong 1988 nagtapos sa Philippine Military Academy bilang bahagi ng "Maringal" Class si Villanueva at unang nadestino sa Camp Alagar sa Cagayan de Oro City.

Noong 1995, nagsilbi siya bilang Regional Director ng PDEA 11. Na-assign siya sa Region 10 taong 2015, at nalipat sa National Capital Region noong 2016.

Ibinalik siya sa PDEA Region 10 noong 2018. 

Ngayong bakante ang puwesto ng regional rirector ng PDEA 10, magsisilbi munang Officer-In-Charge si Agent Charlene Magdurulang.

Ayon kay Villanueva, pag-aaralan muna nito ang performace ng mga regional directors kung kailangang mag-revamp sa ahensya.

Inaaasahang sa Hunyo 1 ay magsisimula nang magtrabaho sa kaniyang bagong opisina si Villanueva.

Ang pagpuksa sa problema ng ilegal na droga ang naging pangunahing programa ni Duterte simula nung maupo ito sa pwesto noong 2016.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.