Quarantine pass may saysay pa ba sa ilalim ng GCQ?

ABS-CBN News

Posted at May 28 2020 04:29 PM


MAYNILA — Sakaling ipatupad na ang general community quarantine (GCQ) sa maraming lugar, partikular na sa Metro Manila, magkakaroon pa ba ng bisa ang mga quarantine pass na inisyu ng mga lokalidad noong nagsimula ang lockdown?

Sa panayam nitong Lunes sa commander ng Joint Task Force Coronavirus Shield na si Police Lt. Gen. Guillermo Eleazar, hindi na kakailanganin ng naturang pass sa GCQ. 

Aniya, mas marami na kasi talaga ang papayagang lumabas sa GCQ, pero dapat ay edad 21 hanggang 59.

Papayagan pa rin aniya ang mga senior citizen na authorized workers at bibili ng essentials.

Pero paalala ni Eleazar, huwag pa ring lalayo at manatili lang sa siyudad.

"Hindi ibig sabihin na tayo'y allowed nang lumabas, eh sana nasa bahay na lang tayo kung hindi naman kinakailangan. Pero sinasabi nga natin this is partially opening the economy, dapat po naman ay naaayon lang doon sa guidelines. Remember sayang naman itong mga pinaghirapan natin kung mababalewala," sabi niya.

Paalala rin ng joint task force, may ipatutupad pa ring curfew sa GCQ.

Hinimay din ni Eleazar ang proseso para sa mga taga-Metro Manila na gustong bumiyahe pauwi sa mga probinsya at vice versa.

Mahalaga aniya sa mga kasong ito ang travel authority para makalusot sa mga checkpoint. 

"Pero bago siya magkaroon ng travel authority na iiisyu [namin], kailangan po ng medical clearance certificate... Para po sa ating mga kababayan na locally stranded individuals, ang kailangan nyo po, foremost requirement is medical clearance certificate from the LGU health office. Patulong po kayo sa barangay at 'pag meron na kayo niyan, puwede niyo pong dalhin sa help desk ng police station sa area niyo," ani Eleazar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.