Presyo ng mga bisikleta nagtaas pero mga bumibili dagsa pa rin

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at May 28 2020 04:33 PM

MAYNILA — Kung karamihan ng mga negosyo ngayong lockdown ay nagsara, lumalakas naman ang bentahan ng mga bisikleta lalo’t maraming mga manggagawang balik-trabaho ang wala pang masakyan.

Katunayan, ilang tindahan sa Quezon City ang nagtaas ng presyo at may nagkakaubusan pa ng bike at piyesa.

Mahaba ang pila sa mga tindahan ng bisikleta sa Commonwealth Avenue sa Quezon City.

Sabi ng mga nagtitinda, pahirapan ang pagkuha nila ng supply ngayon dahil nagkakaubusan na.

"Since wala pong stocks na pang-masa, kinuha na lang namin iyan, para may pang-masa na stocks... Shortage tayo ng stocks ng mountain bike at spare parts," ani Marilou Roquero, may-ari ng bike shop.

Kung mataas ang demand at kakaunti ang supply, tiyak na lolobo rin ang presyo, aniya.

Ang guwardiyang si Fanny Moreno, bumili pa rin kahit mahal.

"P10,500 wala pang accessories... Eh walang magagawa, walang masakyan papuntang Quiapo, no choice ako walang magagamit... Dapat 'yan mga P6,000 lang daw iyan doon eh, dinoble na diyan ngayon," ani Moreno.

Ang iba namang may bisikleta na, nagpapa-repair na lang.

Sa ibang tindahan, hindi raw nagtaas ng presyo dahil marami silang stocks lalo’t hindi naman sila gaanong nakabenta dahil sa lockdown.
 
Aabot sa isa hanggang P2,000 ang itinaas ng presyo ng bisikleta sa Commonwealth area depende sa klase.

In demand din ang electric scooter at e-bike sa mga nakakaluwag sa budget.

"Surprisingly, 'yung clients ngayon are not just looking for the cheapest model. Mas nagiging wise sila kasi alam nila 'yung road condition... Portability, 'yung magaan, puwede nilang isakay sa bus, ipasok sa loob ng office, ilagay sa ilalim ng table," ani Eugene Martinez, may-ari ng tindahan ng e-scooter.

Walang pagbabago sa presyo ng e-scooter at e-bike na naglalaro mula P29,000 hanggang mahigit P100,000.

Nananawagan din ang ilang "bike to work" employees sa mga motorista na huwag silang iitsapuera sa lansangan lalo’t baguhan pa lang ang marami sa kanila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.