PatrolPH

Marikina seniors maagang natanggap ang pensiyon para sa ika-2 bahagi ng 2020

ABS-CBN News

Posted at May 28 2020 03:57 PM | Updated as of May 28 2020 08:54 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Sinimulan na ng lokal na pamahalaan ng Marikina ang pamimigay ng monthly pension ng kanilang mga senior citizen para sa ika-2 kalahati ng taon dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Aabot sa P3,000 - o P500 na buwanang pension, ang matatanggap ng mga makikinabang na senior citizen. Katumbas ito ng anim na buwang monthly pension. 

Maagang ni-request ng LGU sa Department of Social Welfare and Development na ibigay ang budget na nakalaan sa pensiyon ng kanilang residente, ayon kay Marikina Mayor Marcy Teodoro. 

“Ibigay na ngayon dahil kailangan na nila ngayon eh, kung ibibgay pa sa mga susunod na buwan ay magagamit din naman nila pero mas higit na magagamit nila sa ngayon dahil nga nasa quarantine tayo," ani Teodoro. 

Para masigurong hindi mahihirapan ang mga senior, may schedule ang kanilang pagpunta sa iba't ibang public schools. 

Maaari namang mag-proxy basta't may authorization letter na iaabot sa mga social worker. 

Aabot sa 7,800 senior citizens ang mabibigyan ng maaga na pensiyon, ayon sa Marikina LGU. 

Bukod sa Marikina, on-going na rin ang maagang pamamahagi ng social pension, ayon sa Department of Social Welfare and Development. 

-- Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.