Ilang empleyado nag-aalangan magbalik-opisina kahit mag-GCQ sa Metro Manila

Bruce Rodriguez, ABS-CBN News

Posted at May 28 2020 04:11 PM | Updated as of May 29 2020 07:48 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Sa gitna ng banta ng COVID-19, inaasahang marami pa rin ang mga manggagawa na "work from home" kahit matapos ang community quarantine sa bansa.

Nakatakdang magpasya si Pangulong Rodrigo Duterte kung papayagan na niya ang mas pinaluwag na quarantine sa Metro Manila, kung saan babalik na ang maraming industriya at ilang public transportation. 

Ang call center agent na si Geraldine Vilbar, laking pasasalamat dahil nagawa niyang makapag-work from home kahit prepaid lang ang kaniyang internet connection sa bahay.

Sabi ni Vilbar, nag-aalangan siyang pumasok muli sa opisina lalo't may mga anak siya na maaaring mahawa sakaling tamaan siya ng virus.

"Sa cases natin ng COVID-19 ngayon na hindi bumababa, siyempre natatakot ako para sa mga anak ko siyempre, baka mamaya ako 'yung carrier nung virus," aniya.

Ang public relations professional na si David Lozada, hindi pa rin kampante na magbalik-trabaho sa opisina. 

"Ako siguro magpapaalam ako na mag-work from home pa rin siguro nang isa o dalawang buwan, dahil din kasama ko 'yung nanay ko na may preexisting condition," aniya. 

Hindi lang sina Lozada at Vilbar ang may ganoong sentimyento.

Sa survey na Philcare Community Quarantine Wellness Index nitong Mayo na may 800 respondents, lumabas na 6 sa bawat 10 Pilipinong manggagawa ang nag-aalinlangang bumalik sa kani-kanilang opisina.

Nasa 80 porsiyento sa mga tinanong nila ay natatakot makuha ang sakit at mahawahan ang mga mahal sa buhay.

"Offices can be more proactive in communicating with their employees... It's important for these companies to be front and center in assuring their employees that their safety and health will be guaranteed once they return to work," ani Dr. Fernando Paragas, lead researcher ng Philcare Community Quarantine Wellness Index. 

Napakita rin ng survey na mas nagiging maingat na ang mga Pilipino para maiwasang makuha ang sakit.

Siyam sa bawat 10 indibidwal ang naniniwalang importante ang pagsuot ng face mask sa mga pampublikong lugar para hindi mahawa o makahawa ng COVID-19, batay sa survey.

Naniniwala rin silang importante ang paggamit ng alcohol, physical distancing, at paghugas ng kamay nang 20 segundo para maiwasan virus.

Pumalo na sa higit 15,000 ang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, ayon sa huling tala ng Department of Health noong Miyerkoles. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.