PatrolPH

'Di awtorisadong' COVID-19 testing ng nasa 200 Chinese sa Parañaque ipinatigil

Doris Bigornia, ABS-CBN News

Posted at May 28 2020 08:38 PM | Updated as of May 28 2020 09:50 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Ipinatigil ng lokal na pamahalaan ng Parañaque Huwebes ang hindi awtorisadong coronavirus testing ng nasa 200 Chinese sa siyudad. 

Nitong umaga ng Huwebes ay nabuking ang ginagawang mass testing sa garden area ng BF Homes Parañaque.

Ayon kay Parañaque Mayor Edwin Olivarez, agad niyang pinatigil ang testing at pinagkukuha ang pangalan ng mga sangkot.

Iginiit niyang walang kinalaman ang pamahalaang lungsod sa ginawang testing at wala ring nakipag-ugnayan sa city hall o sa city health office tungkol dito.

May isinasagawa na ring imbestigasyon ang Barangay BF Homes. 

Ayon kay barangay kagawad Robert Ty, pribadong inisyatibo ang testing ngunit wala daw itong pahintulot o koordinasyon.

Isang tip aniya ang natanggap ng barangay na may nangyayaring mass testing kaya pinuntahan ito ng mga tanod para ipatigil.

Hindi rin kasi accredited ang pasilidad para magsagawa ng testing.

"It’s rude in the first place, bastos kasi we were not aware of it. It happened right before our noses without even disclosing to us that it’s gonna happen there right in our backyard," ani Ty. 

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente para mapanagot ang sino mang responsable sa paglabag. 

Kamakailan, may mga nabuking din na mga ilegal na clinic para sa mga Chinese national sa Pampanga, Makati at Parañaque.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.