15 driver tumira sa jeep dahil di makabayad ng renta

ABS-CBN News

Posted at May 28 2020 07:39 AM | Updated as of May 28 2020 06:26 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nanunuluyan sa kanilang mga jeep sa rotonda sa Barangay Paligsahan, Quezon City ang nasa 15 na driver na napilitang umalis sa mga inuupahang bahay dahil wala nang pambayad ng renta mula nang mag-lockdown ang Metro Manila dahil sa novel coronavirus.

Kabilang sa mga driver si George Rivera, na nais bumalik ng Dumaguete City kung saan nakatira ang kaniyang 2 anak at asawa. Doon na lang aniya siya maghahanap ng trabaho lalo't kailangan pa niyang patapusin sa kolehiyo ang mga anak.

"Wala na kaming pambayad [ng renta], d'yan na lang kami natulog sa jeep. Uuwi na lang kami sa probinsya," aniya sa panayam ng TeleRadyo.

Umapela naman ang kaniyang kasamang si Boy Letigio sa gobyerno na tulungan silang makauwi sa probinsya. Nag-apply siya para mapasama siya at kaniyang misis sa "Balik-Probinsya" program ng pamahalaan.

Hindi pa rin muna papayagan ang mga jeep na makabiyahe sa ilalim ng mas maluwag na general community quarantine.

Maagang umalis ngayon si Boy para pumunta sa City hall at mag-apply sa balik probinsya program ng pamahalaan.

Nanawagan naman si Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines president Zeny Maranan na maglabas ang mga awtoridad ng mga driver na makakakuha ng tulong-pinansyal at linawin ang proseso nito.

"Sabihin na nila sa amin nang tapat na hindi na talaga kami makakatanggap para nang sa ganoon, huwag nang umasa itong mga taong ito," aniya sa panayam ng DZMM.

Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.