Mga bansang bawal munang pag-angkatan ng processed pork nadagdagan

ABS-CBN News

Posted at May 28 2019 04:19 PM | Updated as of May 28 2019 07:17 PM

(UPDATE) Nadagdagan ang mga bansa na bawal munang pag-angkatan ng processed pork products dahil sa pangamba sa African swine fever (ASF), sabi ngayong Martes ng Food and Drug Administration (FDA).

Sa isang abiso, sinabi ng FDA na sakop na ang Vietnam, Zambia, South Africa, Czech Republic, Bulgaria, Cambodia, Mongolia, Moldova, at Belgium sa listahan ng mga bansa na bawal na munang pag-angkatan ng mga processed pork product.

Kabilang sa mga bansang naunang pinatawan ng "temporary ban" ang China, Hungary, Latvia, Poland, Romania, Russia, at Ukraine.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa hiwalay na utos ng FDA sa mga importer, dealer, at distributor, pinare-recall ang mga processed pork product mula sa mga nabanggit na bansa.

"There are now more countries where ASF virus has been detected," sabi sa text message ni FDA officer-in-charge Eric Domingo.

Sinabi rin ni Domingo na kasama sa mga produktong sakop ng ban ang popular na processed luncheon meat na Ma Ling.

Inaangkat kasi ang Ma Ling mula China, isa sa mga bansang tinamaan ng ASF virus, ayon kay Domingo.

"All pork products from China are included [in the ban]," ani Domingo.

Bagama't hindi peligroso sa tao, maaring ikamatay ng mga baboy ang ASF, isang sakit na nagdudulot ng pagdurugo sa kanilang internal organs. Maaari itong ikalugi ng pork industry.

-- May ulat nina Jaehwa Bernardo at April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.