Lalaki huli sa 'sextortion' sa babaeng nakilala sa mobile game

ABS-CBN News

Posted at May 28 2019 07:00 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Arestado ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang lalaki matapos tangkain umano na kikilan ng pera ang kaniyang dating nobya sa pananakot na isasapubliko niya ang maseselang video nito. 

Agad na hinuli ng NBI ang suspek na si Elmer Dela Cruz nang tanggapin umano sa entrapment operation ang P20,000 na hinihingi sa dating nobya na si alyas "Perla." 

Kuwento ni Perla, pareho sila ni Dela Cruz na may asawa at anak sa naunang karelasyon kaya niya gustong makipaghiwalay. 

Ayaw umano makipaghiwalay ni Dela Cruz kay Perla at pinadala pa sa mga kaanak ni Perla ang ilang mahalay na litrato. Nagbanta rin daw ito na magkakalat ng video ng biktima. 

Kuwento ni Perla, nakilala lang niya si Dela Cruz habang naglalaro ng mobile games at nagtagal ang relasyon sa pakikipag-video chat mula noong Enero. 

Pero hindi raw niya inakalang aabot sa pananakot at pangingikil ang kanilang relasyon. 

Muntik pa raw mahiwalay si Perla sa kaniyang asawa dahil sa nangyari.

"Nawasak po ako. Sa kagustuhan ko pong ayusin ang buhay ko, kaya po ako nakipaghiwalay sa kaniya,” ani Perla. 

Nanawagan si Atty. Joel Tovera, hepe ng NBI Anti Organized and Transnational Crimes Division na huwag agad makikipagrelasyon online. 

Nakapiit si Dela Cruz sa patong-patong na kaso ng Extortion, Violence Against Women and Children at paglabag sa Anti Video And Photo Voyeurism Law. 

--Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.