Ina patay sa pananaksak ng anak sa Laguna

ABS-CBN News

Posted at May 28 2019 05:42 PM | Updated as of May 28 2019 10:26 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Napatay ang isang 66 taon gulang na babae sa Alaminos, Laguna matapos saksakin ng anak na umano ay nawala sa katinuan, sabi ngayong Martes ng pulisya.

Nangyari noong Sabado ng gabi ang insidente kung saan sinaksak umano ng suspek, 31 anyos, sa dibdib ang kaniyang ina gamit ang ice pick.

Nag-iisa umanong kasama ng biktima ang suspek sa kanilang bahay sa Barangay San Idelfonso.

Ayon kay Police Capt. Glenn Cuevas, hepe ng Alaminos police, dating gumagamit ng ilegal na droga ang suspek.

Pinatotohanan din ng mga kapatid ng suspek ang pahayag ni Cuevas na dati itong gumagamit ng droga.

Nakaranas din ng depresyon ang suspek, ayon sa kapatid niyang si alyas "Jenny."

Hindi naman maipaliwanag ng suspek kung bakit niya nagawang mapatay ang sariling ina.

Narekober din ng pulisya sa pinangyarihan ang ice pick na ginamit sa krimen.

Kasong parricide ang isinampa laban sa suspek.

--Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.