Ice plant sa Bacolod City balik-operasyon matapos magkaroon ng chemical leak

Mark Salanga, ABS-CBN News

Posted at May 28 2019 09:41 PM

BACOLOD CITY - Balik na sa normal ang operasyon ng isang ice plant sa Barangay 31 dito sa siyudad matapos ang isang ammonia leak Martes ng umaga.

Ayon sa magkapatid na Rhea at Raymund Aguanta, tumagal nang halos 2 oras ang amoy ng kemikal. Dahil dito, sumakit umano ang kaliwang mata ni Rhea. May mga residente rin umanong nagsuka at sumakit ang ulo dahil sa amoy.

Ayon kay Milo Era, isa sa mga operator ng ice plant, sinubukang ayusin ng kaniyang kasama ang tubo ng ammonia pero imbes na maayos ito ay tumagas ang kemikal.

Hindi rin umano tumagal ang amoy dahil agad din nilang naayos ang nasirang tubo.

Ang ammonia ay isang kemikal na ginagamit para makabuo ng yelo.

Ayon sa imbestigasyon ng City Disaster Risk Reduction and Management Office, hindi ito ang unang beses na tumagas ang ammonia sa nasabing ice plant.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.