1 patay sa salpukang motorsiklo, pampaseherong jeep sa Eastern Samar

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at May 28 2019 07:48 PM

Patay ang isang lalaki sa salpukan ng isang motorsiklo at pampasaherong jeep sa bayan ng Can-Avid sa Eastern Samar Lunes.

Ayon sa pulisya, nangyari ang aksidente sa national highway na sakop ng Barangay Dies.

Papuntang bayan ng Taft ang jeep habang kasalubong nito ang motorsiklo.

Pagdating sa kurbadang bahagi ng highway malapit sa isang tulay, nagkasalpukan ang 2 sasakyan matapos mapunta sa linya ng jeep ang motorsiklo.

Nadala pa sa ospital at kasalukuyan pang ginagamot ang angkas sa motorsiklo na si Ramil Eraya, isang punong barangay sa bayan ng Sulat.

Idineklara namang dead on arrival ang drayber ng motorsiklo na si Jeffrey Avila.

Nakaligtas ang drayber at mga pasahero ng jeep.

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.