P750 national minimum wage, ipinanukala sa Kamara

ABS-CBN News

Posted at May 28 2018 03:56 PM | Updated as of May 29 2018 11:54 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naghain nitong Lunes sa Kamara ang mga mambabatas na kasapi ng Makabayan bloc ng panukalang batas na naglalayong itakda sa P750 ang minimum wage kada araw sa lahat ng rehiyon sa bansa.

Sa ilalim din ng House Bill 7787, bubuwagin ang National Wages and Productivity Commission at Regional Tripartite Wage and Productivity Board, na gumagawa ng mga polisiya sa sahod. Sa halip ay Pangulo na ang magmamando ng minimum wage. 

Ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, layunin ng panukala na maibsan ang hirap na nararanasan ng mga Pilipino na apektado sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin bunsod ng reporma sa buwis.

"The minimum wage must be reverted back to a national wage standard. Almost all prices of basic good and services being traded in all regions are similar nationwide," sabi ni Zarate.

Ayon kay Zarate, mali umanong ipagpalagay na mas mababa ang gastos ng pamumuhay sa mga rehiyon sa labas ng Metro Manila.

"It is not reflective of the real situation," aniya.

Sa kasalukuyang sistema, itinatakda ang minimum wage sa bawat rehiyon ng mga regional board. 

Ang pinakamataas ay sa Metro Manila na nasa P512 kada araw habang pinakamababa naman sa Ilocos Region na nasa P280 kada araw.

Batay raw sa pag-aaral ng IBON Foundation, ani Zarate, kinakailangan ng isang pamilyang may 6 na miyembro ng P1,168 para matugunan ang mga pang-araw-araw na pangangailangan, na malayo sa kasalukuyang halaga ng mga minimum wage.

Pero tila malamig ang Palasyo at ilang mambabatas sa panukala.

Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, inatasan na ng pangulo ang 17 regional wage boards na pag-aralan ang umento sa sahod.

"Mayroon ding posibilidad na habang tinataas ang sweldo, maraming mawawalan din ng trabaho kaya nga po kailanganang pag-aralan mabuti," sabi ni Roque sa isang press briefing nitong Lunes.

Para naman kay Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves, magkakaroon ng masamang epekto sa ekonomiya ang pagtataas ng sahod.

Ayon kay Teves, inasahan na niya na magkakaroon ng pangangailangang taasan ang minimum wage noong mga panahong tinatalakay nila ang buwis sa langis na kasama sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

"Kung nagmahal ang lahat, hihingi ang taumbayan ng increase ng suweldo. Once that happens, we will bring down our economy. Why? Aalis na naman ang mga kompaniya dito sa Pilipinas [because] it will increase their cost of production," ani Teves.

Ayon naman sa Department of Labor and Employment (DOLE), batay sa monitoring ng regional wage boards, taas-baba na ang presyo ng ilang bilihin mula pa noong Enero.

Hindi rin daw TRAIN ang may kasalanan sa presyo ng mga bilihin.

"Mga 25 percent lang ng pagbabago ang puwedeng ma-attribute sa TRAIN. 'Yong iba ay tungkol na rin sa foreign exchange, trade, deficit atsaka 'yong ratio ng borrowing sa GDP (gross domestic product)," ani Labor Undersecretary Ciriaco Lagunzad.

Dagdag ni Labor Secretary Silvestre Bello, posibleng maglabas ng utos sa umento sa sahod ang mga wage board matapos ang nakatakdang consultation meeting kasama ang iba pang ahensiya ng gobyerno sa Hunyo 5.

-- Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.