Halos 2% ng mga paaralan sa bansa, di pa handa sa pasukan: DepEd

ABS-CBN News

Posted at May 28 2018 10:53 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Halos dalawang porsiyento sa 46,000 paaralan sa buong bansa ang hindi pa handa para sa pagbubukas ng klase sa Hunyo 4, ayon sa isang opisyal ng Department of Education (DepEd).

Ayon kay Education Undersecretary Jesus Mateo, kalahati sa mga paaralang ito ay matatagpuan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

"Hindi sila handa doon to some extent sa mga variables natin. Usapin ng teachers, employment, silid-aralan, furniture, electricity, water, toilets," paliwanag ni Mateo.

Inamin din ni Mateo na may ilang paaralang sosobra sa itinakda nilang student-teacher ratio dahil sa kakulangan ng mga classroom.

"Kaya naglulunsad tayo ng early registration para malaman natin kung mapupuno iyan. Kung mapupuno iyan, makikiusap tayo sa mga magulang, 'Puwede bang i-transfer niyo na lang 'yan sa nearby school?'" ani Mateo.

BRIGADA ESKWELA

Samantala, patuloy naman ang pagsasagawa ng Brigada Eskwela sa iba-ibang paaralan sa bansa.

Sa Caloocan National Science High School, tulong-tulong ang mga guro, magulang at mag-aaral sa paglilinis ng paaralan.

Sumabak din sa Brigada Eskwela ang mga volunteer sa C. Arellano High School sa Maynila.

Nagputol sila ng mga sanga ng puno, naglinis ng mga silid-aralan, at nagpunas ng mga alikabok sa silya.

"Para makita nila ang suporta ng isang ama... suporta sa eskuwelahan din, sa mga teacher," anang volunteer na si Joven Tolentino.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa bayan ng Mangaldan, Pangasinan, pinangunahan ng ilang mga guro ang pagbebenta ng "ukay-ukay" para makalikom ng pondo sa pagpapaayos ng paaralan, tulad ng declogging sa drainage.

Nagbenta rin ng "ukay" sa palengke ang ilang mga guro sa Camalig, Albay para mapaayos ang mga sirang istraktura ng kanilang paaralan.

MARAWI

Sa Marawi City, bagaman natapos na nitong nakaraang linggo ang Brigada Eskwela, may ilang guro pa rin sa Amai Pakpak Central Elementary School ang patuloy na naghahanda sa pasukan.

Nasasabik ang gurong si Norhaya Calandada sa pagbubukas ng klase.

"Kasi matagal na hindi kami nakapagturo ng one year so na-miss namin 'yong pagtuturo," ani Calandada.

Pero may ilang silid-aralang hindi pa rin nalilinis dahil sa naimbak na relief goods.

Higit 20 paaralan sa Marawi ang nasira sa loob ng limang buwang bakbakan pero ayon sa sangay ng DepEd sa lungsod ay sisikapin nila maibalik sa normal ang pag-aaral ng mga estudyante.

Ayon kay Anna Zenaida Unte Alonto, assistant schools division superintendent ng DepEd Marawi, handang-handa na ang 41 paaralan ng lungsod sa pagbubukas ng klase.

May nakatayo ring mga temporary learning spaces sa Barangay Sagonsongan na malapit sa temporary shelters.

Patuloy rin ang enrollment sa mga paaralan sa Marawi hanggang Hunyo 8.

-- Ulat nina Jasmin Romero at Angelo Andrade, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.