Pekeng alok na trabaho, inireklamo

ABS-CBN News

Posted at May 28 2017 04:14 PM | Updated as of May 28 2017 11:03 PM

Naghahanap ng part-time job ang estudyanteng si Mary Jane Maluya para matustusan ang pangagailangan niya sa eskuwela. Kaya pati ang mga inaabot na flyer na nag-aalok ng trabaho, pinatulan na rin niya.

"May nag-alok sa akin isang lalaki, puwede raw ako kasi working student ako," kuwento ni Maluya.

Sinabihan daw si Maluya ng lalaki na pumunta sa isang recruitment office sa Cubao para sa requirements.

Pero nagulat siya nang bigla siyang singilin ng lalaki. 

"Sinisingil niya ako ng 100," ani Maluya. "Sabi ko 'pamasahe lang ang dala ko'."

Pagdating sa Cubao, dinatnan niya ang napakaraming taong nagrereklamo sa loob ng opisina. Lalong nakumbinsi si Mary Jane na peke ang ina-apply-an nang malaman niyang sa bawat hakbang ng application ay mayroong dapat bayaran.

Ayon sa Department of Labor and Emploment (DOLE), hindi normal na singilin ang isang aplikante para mabilis na makapasok sa trabaho. 

"Kung talagang, tutulong ka sa kapwa mo, bakit ka hihingi ng bayad," sabi ni Usec. Joel Maglunsod ng DOLE.

Pinag-iingat naman din ng pulisya ang publiko sa mga ganitong modus. Hinihikayat din nilang maghain ng reklamo ang sinumang mabibiktima ng mga manlolokong recruiter.

Muli, nagpaalala ang DOLE na huwag basta-basta maniniwala sa mga nag-aalok ng agarang trabaho. Para rin sa mga reklamo, puwedeng dumulog sa tanggapan ng DOLE NCR Office sa Malate, Maynila. 

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.