Pagkain at iba pang ayuda, isinalubong sa mga 'bakwit'

ABS-CBN News

Posted at May 28 2017 10:11 PM

Mag-iisang linggo na ang bakbakan sa pagitan ng mga rebeldeng Maute at puwersa ng militar sa Marawi City. Sa isang iglap, nabago ang buhay ng maraming pamilya pansamantalang tumutuloy ngayon sa iba't ibang evacuation centers.

Sila ngayon ang mga tinatawag na 'bakwit,' na hango sa salitang 'evacuate.'

Hindi man maibabalik agad sa normal ang buhay ng mga 'bakwit', bahagya namang napawi ang kanilang pangamba kung saan kukuha ng mga pangangailangan.

Dumating ang truck-truck ng relief goods mula sa International Committee of the Red Cross (ICRC).

"Kumpletong package po ito, para po maibigay natin sa kanila kung ano yung kinakailangan talaga nila habang sila'y naka-'bakwit' dito sa Saguiaran" ani Lanny Dela Cruz, Senior Communications Officer ng ICRC.

Isa si Faisah Alonto sa mga volunteer ng Red Cross na tumutulong sa mga bakwit. Tubong Marawi rin si Alonto kaya malapit sa kaniyang puso ang pagsaklolo sa mga kababayan.

Tulad ni Alonto, pinili ring tumulong ng Pamilya Riga sa mga apektado ng kaguluhan. 

Bitbit ang libreng tubig at pagkain, sinasalubong ng pamilya Riga ang mga lumilikas mula sa Marawi patungong Baloi, Lanao Del Norte. 

Nag-viral sa social media ang mga larawan ng pagtulong ng pamilya. Kaya naman bumuhos ang kontribusyon mula sa mga kababayan nating nakabase sa ibang bansa.

"Ang dami pong tulong," ani Amer Riga. "Parang biglaan, parang hindi kami makapaniwala, naantig iyong puso ng taong Pilipino na gusto pa ring tumulong." 

Dahil sa pagbuhos ng ayuda, nabibigyang pag-asa ang mga bakwit na kakayanin nilang malampasan ang anumang sigalot sa tulong ng mga kababayang taos pusong nagmamalasakit.

-- Ulat nina Jorge Cariño at Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.