Bahay ng dating sundalo, hinalughog ng mga nagpakilalang pulis

Rodge Cultura, ABS-CBN News

Posted at May 28 2017 05:34 PM

MANILA - Nabalot ng takot ang pamilya ng isang retiradong sundalo matapos salakayin ng armadong grupo ng mga nagpakilalang pulis ang kanilang bahay sa Butuan City, Linggo. 

Kuwento ng pamilya Patombon, pasado alas-10 ng umaga dumating sa Barangay San Vincente ang mga lalaki, sakay ng isang van. 

Naka-uniporme na camouflage at nakabota umano ang mga ito, pero walang patches at name plate ang kanilang suot. 

Hinanap ng mga lalaki si retired Master Sergeant Nestor Patombon, pero nang malamang wala siya sa lugar ay saka nila pinasok ang bahay at pinagsisipa ang pinto ng master's bedroom. 

Nang kuwestyunin ng pamilya, sinabi umano ng armadong grupo na mga miyembro sila ng Philippine National Police-Regional Public Safety Battallion (RPSB). 

Pero nang tanungin kung sino ang commanding officer at nasaan ang kanilang search warrant, iginiit umano ng mga lalaki na hindi nila kailangan ang naturang dokumento dahil sa umiiral na martial law sa buong Mindanao. 

Hinalughog ng grupo ang kabinet sa kuwarto bago naghanap ng mga armas.

Walang nakuhang armas ang grupong tumakas makalipas ang 5 minuto. Hindi ginalaw ng mga ito ang mga pera at iba pang gamit sa bahay. 

Itinanggi naman ng Butuan police na may operasyon ng mga oras na iyun ang RPSB. 
 
Kumakalap pa ng ebidensya ang awtoridad kung mga miyembro ng New People's Army ang mga sumugod sa bahay ng retiradong sundalo. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.