8 bangkay na may karatulang 'traydor', natagpuan sa Marawi

ABS-CBN News

Posted at May 28 2017 03:14 PM | Updated as of May 29 2017 12:35 PM

(CORRECTION) Natagpuang patay ang walong hindi pa nakikilalang lalaki sa bahagi ng kalsada sa Marawi.

Nagkagulo ang mga pulis pasado alas-8 ng umaga matapos nilang makakita ng mga bakas ng dugo sa daan papasok sa sentro ng Iligan mula sa Marawi.

Nang sundan ang mga bakas ng dugo, nagtapos ito sa damuhan sa gilid ng kalsada, kung saan tumambad ang bangkay ng walong lalaki.

Pawang nakatali ang kamay ng mga biktima habang ang ilan sa kanila, nakasuot ng itim na damit.

Malapit sa mga bangkay ang isang karatula kung saan nakasulat ang salitang 'munafik' na nangangahulugang 'traydor' o 'sinungaling', ayon sa mga lokal.

Hinihinalang mga miyembro ng grupong Maute ang pumatay sa mga biktima.

Posibleng nagbigay raw ng impormasyon ang mga biktima sa gobyerno at nahuli ng Maute Group kaya sila pinaslang.

Samantala, dumating din sa lugar ang ilang sibilyan na nakakakilala sa ilang biktima.

Dalawang babae ang nagsabing mga tauhan ng isang bakery sa Marawi ang mga napaslang at mga inosenteng sibilyan lang sila. Ayon sa kanila, hinarang ng mga miyembro ng Maute ang mga manggagawa na papunta sanang Iligan City.

Isang lalaki naman na humiling na itago ang kaniyang pagkakakilanlan ang nagsabing isa siya sa 19 na kasama ng mga napaslang na hinarang ng mga Maute kahapon.

Pinabigkas umano sila ng dasal ng mga Muslim at ang mga hindi makakabigkas, inihihiwalay ng Maute mula sa grupo.

-- Ulat ni Chiara Zambrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.