70 pamilya nasunugan sa Tondo

Bianca Dava, ABS-CBN News.

Posted at May 28 2017 10:47 AM | Updated as of May 28 2017 10:07 PM

Nawalan ng tirahan ang nasa 70 pamilya nang masunog ang isang residential area sa Gagalangin, Tondo sa Maynila, Linggo. 

Ayon sa Bureau of Fire Protection, nagsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng bahay ni Pabling del Rosario sa kanto ng Laguna at San Juan streets, dakong ala-1 ng madaling-araw.

Mabilis na kumalat ang apoy sa nasa 30 kadikit na bahay, dahilan para walang maisalbang gamit ang karamihan ng mga apektadong residente. 

Nagkusa naman ang ibang residente na tumulong sa pag-apula sa apoy.

Napigilan ng firewall sa paligid ng compound na kumalat ang apoy sa katabing mga gusali at gas station. 

Pero dahil sa masisikip na daan sa lugar, nahirapan ang mga bumbero na patayin ang apoy kaya umakyat ito sa ikalawang alarma at inabot ng 2 oras bago naapula.

Tinatayang P150,000 ang halaga ng mga napinsalang ari-arian.

Wala namang naitalang nasaktan o nasawi sa insidente.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.