6 na silid ng isang kolehiyo sa Camarines Norte, nasunog

Rona Nuñez, ABS-CBN News

Posted at May 28 2017 07:47 PM

CAMARINES NORTE - Tinupok ng apoy ang ilang silid sa Camarines Norte State College sa campus nito sa bayan ng Labo Sabado ng hapon.

Nasunog ang limang classroom at ang opisina ng College Student Council. Natuklap rin ang kisame ng katabing library dahil umabot dito ang usok.

Pinagtulungan ng mga estudyante na hakutin ang mga naisalbang gamit, kabilang na ang mga aklat mula sa library.

Umabot sa second alarm ang sunog bago ito naapula.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), aabot sa P1 milyon ang pinsalang dulot ng sunog sa eskwelahan.

Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng BFP.

Aminado si Bartolome Papares, direktor ng College of Agriculture and Natural Resources, na luma na ang mga nasunog na classroom.

Unang ginamit ng high school ang mga silid na ito bago nailipat sa state college noong 1992.

Nagkaroon na rin ng pagsasaayos sa mga silid noong nakaraang taon, ngunit hindi binago ang electrical wiring.

Inaasahan na higit 400 estudyante ang magi-enrol ngayong school year.

Ayon kay Papares, may sapat na bakanteng classrooms na maaring gamitin ng mga estudyante habang gumagawa ng hakbang para maayos ang mga nasunog na silid.

Sa June 13 nakatakdang magsimula ang klase sa eskwelahan.