11 bahay nasunog sa Davao City

Hernel Tocmo, ABS-CBN News

Posted at Apr 06 2019 01:47 PM

Patuloy pang iniimbestigahan ng awtoridad kung ano ang naging sanhi ng sunog na tumupok sa 11 bahay sa Tugbok District sa Davao City. Hernel Tocmo, ABS-CBN News

DAVAO CITY – Nasa 11 bahay ang tinupok ng apoy sa Phase 1, Purok 23, Barangay Sto. Niño sa Tugbok District sa lungsod na ito, Sabado ng umaga.

Kinailangan pang tumawid sa tulay na gawa sa isang puno ng niyog ang mga bombero para apulahin ang apoy na umano’y nagsimula sa bahay ng isang Bonifacio Lawag.

Nalungkot ang isa sa mga nawalan ng bahay at ari-arian na si Jonathan Dablo na sinabing narinig pa niyang may kaaway si Lawag bago nangyari ang sunog.

Ayon kay Dablo, tumakas si Lawag dahil nagalit sa kaniya ang mga kapitbahay na nawalan ng tirahan sa sunog.

Tinatayang aabot sa P200,000 ang pinsalang idinulot ng sunog habang patuloy na iniimbestigahan ng Bureau of Fire Protection kung ano ang naging sanhi nito.

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.