RABAT - Lumahok kamakailan ang Philippine Embassy sa Rabat, Morocco sa isang linggong exhibit tungkol sa sining ng tradisyunal na pagbuburda ng sinaunang mga Pilipino bilang paggunita ng National Heritage Month ngayong taon.
Tampok sa exhibit na pinamagatang “La brodérie marocaine rencontre les brodéries du monde” (Moroccan embroidery meets the embroideries of the world) ang mga burdado at hinabing tradisyunal na tela mula sa pangunahing rehiyon ng bansa.
Sina Philippine Ambassador to Morocco Leslie J. Baja (kanan) kasama si Minister Hayar ng Morocco (kaliwa) at Mayor Rhlalou ng Rabat City (gitna). Rabat PE
Ibinida ang barong tagalog, hablon at yakan bilang patunay ng kakaiba at mayamang pamanang sining ng pagbuburda at paghahabi ng mga Pilipino. May 25 diplomatic missions ang sumali sa exhibit na pinasinayaan ng Minister of Solidarity, Social Integration and Family ng Morocco na si Aawatif Hayar.
Dumating din sa okasyon ang Mayor ng Rabat City na si Asmaa Rhlalou.
Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa Morocco, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.