PatrolPH

Wanted na Koreano dahil sa kasong fraud, ipapa-deport

ABS-CBN News

Posted at May 27 2022 06:24 PM

Nakatakdang ipa-deport ng Bureau of Immigration (BI) ang isang South Korean na wanted sa Seoul dahil sa pagkakasangkot umano sa electronic financial fraud.

Naaresto ng mga tauhan ng BI-Fugitive Search Unit (BI-FSU) sa General Trias sa Cavite ang 52 anyos na si Je Hyun-woo, sabi ni Immigration Commissioner Jaime Morente.

Ani Morente, 2019 pa ay mayroon nang summary deportation order laban kay Je.

Blacklisted na rin si Je sa bansa dahil sa pagiging "undesirable alien."

“He has also been included in our immigration blacklist, thus he is perpetually banned from reentering the country for being an undesirable alien,” ani Morente.

Ayon kay BI-FSU Chief Rendel Ryan Sy, overstaying na rin sa bansa si Je noon pang 2018.

“His passport was canceled by the South Korean government, thus he is also an undocumented alien,” sabi ni Sy.

Base na rin sa impormasyon mula sa Interpol, ayon sa BI, mayroong warrant of arrest laban kay Je na inilabas ng central district court sa Seoul noong Nobyembre 1, 2018 kung saan kinasuhan siya ng paglabag sa electronic financial transactions act ng South Korea.

Pansamantalang nakakulong si Je sa detention facility ng Immigration sa Camp Bagong Diwa sa Taguig habang hinihintay ang kaniyang deportation.

—ulat ni Johnson Manabat

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.