S-Booster 2022, bukas na ang aplikasyon para sa mga Pilipino

Annalyn 'Apol' Mabini | TFC News Japan

Posted at May 27 2022 02:29 PM | Updated as of May 27 2022 06:16 PM

JAPAN – Hinihikayat ng Philippine Trade and Investment Center o PTIC Tokyo ang mga kababayan na lumahok sa S-Booster 2022.

"Ang S-Booster ay isang contest na may kinalaman sa space-based business ideas para sa mga indibidwal, entrepreneurs, ventures at iba-ibang business organizations sa iba-ibang industriya sa Japan at Asia-Oceania region kabilang na ang Pilipinas," paliwanag ng puno ng opisina na si Commercial Counselor Dita Angara-Mathay.

Nagsimula ang paligsahan taong 2017 sa Japan at taong 2019 in-expand ito sa Asia-Oceania at ngayong 2022 ang ika-5 taon ng contest na may layong gawing komersyal ang mga business idea na may kinalaman sa “space.”  

Japan
Call for applications para sa S-Booster 2022

Hindi lamang ang mga negosyong konektado sa rockets, satellites at commercial space stations ang pwedeng lumahok, pati mga negosyong gumagamit ng space assets tulad ng satellite data at technology ay pwedeng sumali.  

Ang S-Booster 2022 ay pinangungunahan ng Cabinet Office ng gobyerno ng Japan, Japan Aerospace Exploration Agency o JAXA at ng New Energy and Industrial Technology Development Organization o NEDO.

Ang espesyal sa contest na ito, bukod sa oportunidad na ima-match sa venture capitalists at business companies, may mentorship na ibinibigay sa mga mapipiling finalists mula sa mga eksperto sa iba-ibang fields sa pamamagitan ng online advice at guidance mula sa managerial at iba pang aspeto ng negosyo. 

Ang mga aplikasyon mula sa Asia Oceania region ay dapat na may kolaborasyon sa mga kumpanya, organisasyon at iba pa sa Japan o di kaya’y gumagamit ng Japanese space equipment at space systems.  

Sa mga interesadong lumahok at sa iba pang detalye ng contest, idownload lamang ang application guidelines dito. At para naman sa online application form, iclick ang link na ito

Ang mga sumusunod ang naghihintay na premyo sa mapipiling business ideas kung saan ang Grand Prize winner ay makatatanggap ng 10 million yen o katumbas ng mahigit sa 4 na milyong piso: 

Grand Prize: 1 (awarded by the special judges to the most superior idea) | Prize money: 10 million yen 

Special Judges’ Prize: 1 (awarded by the special judges to a particularly excellent idea) | 

Prize money: 1 million yen 

Asia-Oceania Prize: 1 (awarded by the special judges to an idea with excellent global potential) | 

Prize money: 1 million yen 

Sponsor Prizes: 6 (awarded by Sponsors) | Prize money: 500,000 yen 

JAXA Prize: 1 (awarded by JAXA) Supplementary prize: Six months of hands-on support  

NEDO Prize: 1 (awarded by NEDO) Supplementary prize: Six months of hands-on support 

Japan
Mga premyong naghihintay sa mga mapipiling space-based business idea sa S-Booster 2022

Ang mga aplikasyon ay tatanggapin hanggang sa June 20, 2022. 

Samantala, magdadaos naman ang Department of Trade and Industry o DTI ng seminar at call for applications para sa nasabing contest sa June 1, 2022 mula 1:00 pm hanggang 4:00 pm sa DTI International Building, Makati City na lalahukan ng mga speaker mula sa Cabinet Office ng Japan, Japan Aerospace Exploration Agency, at mga kinatawan mula sa DTI at Philippine Space Agency o PhilSA. Ito ay suportado ng Competitiveness and Innovation Group o CIG, Foreign Trade Service Group o FTSC, at Export Marketing Bureau o EMB. Magbabahagi sa seminar si DTI Undersecretary for Competitiveness and Innovation Rafaelita Aldaba patungkol sa innovation programs ng ahensiya habang si PhilSA Director General Joel Marciano, tatalakayin naman ang  patungkol sa mga space program ng bansa.