PatrolPH

Pulis, suspek patay matapos magkaengkwentro sa Davao de Oro

ABS-CBN News

Posted at May 27 2022 08:09 AM

Kuha ng Police Regional Office XI
Kuha ng Police Regional Office XI

Patay ang isang pulis at ang nakaengkwentro niyang lalaking armado sa bayan ng Nabunturan, Davao de Oro, Miyerkoles ng madaling araw.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, humingi ng tulong ang isang sibilyan matapos umanong tutukan ng baril ang kanyang kapatid sa Purok 4, Barangay Magsaysay.

Rumesponde sina Police Staff Sergeant Erull Millana at Police Corporal Rogelio Golo Jr. at naabutan umano ang dalawang suspek na kanila pang nasita.

Pero agad umanong tumakas lulan ng motorsiklo ang mga tinukoy na suspek na sina Boyet Casagda at John Paul Liginan.

Hinabol ng dalawang pulis ang dalawang suspek at huminto umano ang mga suspek.

Ayon sa PNP, nilapitan ni Millana ang dalawa, pero bigla umanong bumunot ng baril ang isa sa mga salarin at nagkapalitan ng putok.

Napatay sa insidente si Millana at si Casagda, habang nakatakas naman si Liginan na ngayo'y pinaghahanap na ng pulisya.

Nagbigay-pugay naman ang hanay na pulisya sa kabayanihan ni Millana.

Nagpaabot ng pagdadalamhati ang Davao de Oro Police Provincial Office sa pamilyang naiwan ni Millana at binigyan ng tulong pinansyal.—Ulat ni Hernel Tocmo

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.