PatrolPH

Extortion, terorismo posibleng motibo sa pagsabog sa Koronadal bus: mayor

ABS-CBN News

Posted at May 27 2022 06:30 PM

Dalawang anggulo ang tinitingnan bilang motibo sa pagpapasabog sa isang bus sa Koronadal City, South Cotabato ngayong linggo, sinabi ng isang opisyal, Biyernes. 

Ayon kay Koronadal City Mayor Eliordo Ogena, posibleng extortion o terorismo ang motibo ng mga salarin.

May sketch nang hawak ang mga pulis sa 2 tinitingnang may pakana ng pagpapasabog, dagdag ng alkalde.

Naniniwala rin si Ogena na may koneksiyon ang pagpapasabog sa Koronadal at sa Tacurong City sa Sultan Kudarat kamakailan. 

Hindi pa malaman kung anong uri ng pampasabog ang ginamit sa bus nitong Huwebes. 

Itinatanggi naman ng pamunuan ng Yellow Bus Line, Inc. na extortion ang dahilan. Ayon kay Bernardo Bolanio, operations manager, wala silang natanggap na text o tawag ng pagbabanta bago ang insidente.

Magsasagawa rin sila ng internal investigation oras na mailabas na ng pulis ang driver at konduktor ng bus.

Nilinaw naman ng regional police na isa lang ang sugatan sa nangyaring pagpapasabog. 

Ito ay taliwas sa naunang spot report na inilabas ng South Cotabato Police Provincial Office kung saan 5 ang naitalang sugatan.

— Ulat ni Chat Ansagay 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.