MAYNILA - Tinanggal na ng Inter-Agency Task Force ang requirement na negatibong COVID-19 test result para sa mga papasok sa Pilipinas na mga fully vaccinated at may booster shot.
Ayon sa resolusyong inilabas ng IATF ngayong Biyernes, papayagan ito basta't nakumpleto ang COVID-19 vaccine primary series (maliban kung single-dose Janssen vaccine ang gamit) o dalawang doses at dapat bakunado ng hindi bababa sa isang booster kung edad 19 pataas.
Kung fully vaccinated at walang booster shot, kailangan pa ring magpakita ng negatibong RT-PCR test result na kinuha sa loob ng 48 oras.
Pero kung 12 hanggang 17 anyos lang ang darating na Pinoy o dayuhan, kahit fully vaccinated pa lang ay exempted na sa requirement.
Kapag 11 anyos pababa, kahit hindi bakunado basta may booster ang kasamang magulang o guardian ay hindi na rin kailangang magpakita ng COVID-19 test result.
Ikinatuwa ito ni Tourism chief Bernadette Romulo-Puyat na nakita ang bagong polisiya na makakatulong sa turismo at maliliit na negosyo sa bansa.
“The DOT sees this development as a win for the local tourism industry as welcoming more tourists in the country will yield more revenues for our MSMEs and restore more jobs and livelihoods in the sector... As we make it more convenient for tourists to visit the country, the public’s health and safety will remain the DOT’s priority," ani Romulo-Puyat.
Tiniyak din niyang mananatiling prayoridad ang public health at safety kahit na mas madali na para sa mga turista na bumisita ng bansa.
-- Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.