PatrolPH

5 taon matapos ang MV Mercraft 3 tragedy, mga naulila wala pa ring natatanggap

ABS-CBN News

Posted at May 27 2022 02:25 PM | Updated as of May 27 2022 08:27 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA (UPDATE) - Magli-limang taon na matapos ang trahedya pero wala pa ring natatanggap na tulong at hustisya ang ilang biktima ng lumubog ang MV Mercraft 3 noong Disyembre 2017. 

Ayon sa survivor na si Benson Soltura, namatay ang kaniyang asawa na hanggang ngayon ay hindi pa rin nakikita ang labi nito. 

Nagkahiwalay umano sila ng kaniyang misis. Pero nang magkita, hindi na sila makalabas ng magkasama dahil sa lakas ng alon. 

Naalaala ni Soltura na marami silang pasahero noon na walang life vest. 

Ayon kay Sotura, hanggang ngayon ay wala pa silang natatanggap mula sa Mercraft. 

Watch more News on iWantTFC

"May mga LGU pong nagpapaabot ng tulong, hindi ko lang po alam kung galing Infanta, Real o Polillo. Hanggang ngayon apat na taon na ang nakalipas wala pa rin pong resulta sa pagkawala ng aking asawa," ani Soltura. 

Kasama ng apelang tulong para sa death certificate, nangungulila naman sa 31 anyos na anak na si Sunday si Ester Jinayon. 

Palabas na umano ang anak niya ng Mercraft pero binalikan at iniligtas ang nakitang tiyuhin. 

Tumama ang ulo ni Sunday sa bakal nang hampasin ng alon. Nakaligtas naman ang partner at anak ni Sunday.

Kuwento ni Jinayon, nakausap nila ang may-ari ng Mercaft pero wala na umano silang narinig dito matapos magbigay ng paunang tulong. 

"Nag-offer siya sa amin ng P50,000 bilang tulong. Sabi ko tatanggapin ko po yun kasi nag-arkila po kami para makarating kami roon. Pagkatapos po noon wala na," ani Jinayon. 

“Pagkatapos po no’n, wala na. Sabi po, ‘Sa insurance na lang kayo po.’ Naglalakad po ako sa insurance sir, pinahirapan po ako. Pabalik-balik po ako eh ang layo po ng Polillo at saka Infanta, mahirap sa pamasahe.”

Nangako naman ang Maritime Industry Authority (MARINA) na bubuhayin ang insurance claim ng mga biktima ng trahedya. 

Ayon kay Marina Region 4 director Manuel Carpio, nasulatan na nila ang insurance company kaya nakakagulat umano na hanggang ngayon ay walang natanggap na tulong ang mga biktima ng tahedya. 

Dapat aniyang nakatanggap ng P200,000 ang mga namatayan habang tig-P50,000 naman ang dapat matanggap ng mga nasugatan. 

Ayon kay Carpio, sisilipin ulit nila ang mga dokumento para matulungan ang mga biktima lalo't nasangkot sa panibagong trahedya ang Mercraft. 

"May instruction ako sa kanina sa ating franchising officer dito na sulatan na natin, i-copy furnish na ring yung Insurance Commission para at least aksyunan naman nila ito," ani Carpio.

Maaalala na nitong Lunes ay nasunog ang MV Mercraft 2 kung saan 7 ang namatay at higit 100 ang iniligtas. Limang taon bago nito, tumagilid din ang MV Mercraft 3, kung saan limang pasahero ang namatay. 

Iginiit ng MARINA na hindi na dapat nauulit pa ang trahedya sa karagatan at kailangan ng mga bagong regulasyon para maiwasan ang mga kaparehong insidente. 

-- Ulat ni Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.