PatrolPH

Maynila nanguna sa Metro Manila sa bilis ng pagbabakuna

ABS-CBN News

Posted at May 27 2021 07:24 PM

Watch more on iWantTFC

Nanguna ang Maynila sa 17 local government unit sa Metro Manila pagdating sa pagbabakuna ng mga natanggap na COVID-19 vaccines, ayon sa datos ng Department of Health (DOH).

Hanggang noong Mayo 22, nasa 74 porsiyento o higit 256,000 COVID-19 vaccine doses na dinala sa lungsod ang naiturok na.

Ayon kay Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso, isa sa mga susi nila sa mabilis na pagbabakuna ang pagtanggap ng mga walk-in basta pasok sa priority workers.

Puwede naman umanong sa vaccination site gawin ang online registration para sa mga hindi nakapagparehistro.

"Tumanggap ako ng walk-in. Doon naging successful 'yong vaccination deployment. 'Yon nga lang, aaminin ko sa'yo, mayroon lang konting kailangan pagpasensiyahan ang tao. Siyempre magkakaroon ng pila," ani Domagoso.

Pumangalawa naman ang Mandaluyong, na nakapagbakuna ng nasa 69 porsiyento ng tinanggap na halos 76,000 COVID-19 vaccine doses.

"Bumaba na ako sa barangay para makiusap sa tao na magparehistro na sila. Katulong ko lahat dito ang barangay captain... sila mismo kumo-convince sa mga senior citizens natin na magpabakuna and then ihahatid 'yan, susunduin," sabi ni Mandaluyong Mayor Menchie Abalos.

Pasok din sa 5 pinakamabilis na lungsod ang Pasay, Marikina at Taguig.

Pinakamabagal naman ang Pateros, na wala pang 20 porsiyento ng tinanggap na higit 30,000 doses ang naiturok.

Problema umano ng munisipalidad ang kakulangan ng tao kaya sa halip na 4 na vaccination center, 2 pa lang ang bukas sa ngayon.

"'Yong mga doctors na dating na-recruit namin, hindi tumutuloy dahil na-offer-an ng mas malaki sa ibang LGU, na-offer-an ng mas malaki sa national government," ani Pateros Mayor Miguel Ponce III.

Kinailangan pa umanong isara nang 2 linggo ang isang vaccination site dahil nagpositibo sa COVID-19 ang ilang tauhan.

Malaking hamon din ang vaccine hesitancy o pag-alangan ng mga senior citizen na magpabakuna.

Ganoon ang isyu sa Malabon, na pumangalawa sa Pateros pagdating sa usad ng COVID-19 vaccination.

"Sa 280,000 na dapat magpa-register, 50,000 lang. Karamihan sa mga kababayan natin choosy sa vaccines," ani Bong Padua, public information officer ng Malabon.

Sinundan ang Malabon ng Valenzuela, Las Piñas at Caloocan.

Ikinabahala rin ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. ang tila vaccine hesitancy sa hanay ng senior citizens at barangay health workers.

Pero pagdating sa hanay ng health workers, sinabi ni Galvez na halos patapos na ang pagbabakuna, na umaabot na sa 90 porsiyento.

Nagpaalala naman si Pangulong Duterte na dapat maging patas sa pamamahagi ng brand ng COVID-19 vaccines sa iba't ibang lugar sa bansa.

Aabot sa 12 milyong dose ng COVID-19 vaccine ang inaasahang dadating sa Pilipinas sa Hunyo.

Target ng pamahalaan na mabakunahan ang 70 milyon ng populasyon bago matapos ang taon para makamit ang herd immunity. Sa huling tala, 4.4 milyong dose na ang naiturok sa bansa.

-- Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.